Saturday, July 02, 2022

MGA MAHAHALAGANG PANUKALANG BATAS, INAASAHANG IHAHAIN NG MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS SA MGA DARATING NA LINGGO

Ilang linggo bago ang pagbubukas ng First Regular Session ng ika-19 na Kongreso, inaasahang maghahain ang mga bagong halal na mambabatas ng mga mahahalagang panukalang batas, na naglalayong magdadala ng mga positibong pagbabago sa buhay ng mga Pilipino, lalo na sa mga mahihina at mahihirap na mamamayan. 


Sa simula ng paghahain ng mga panukala at resolusyon kahapon, ilan sa mga bagong mambabatas na naghain ng panukala ay si One Filipinos Worldwide Coalition (OFW) Party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino. 


Naghain siya ng 10 panukalang batas na nakatuon sa kapakanan at pangangalaga ng mga manggagawang Pilipino, at iba pang mahihinang sektor ng lipunan. 


Inihanda at binalangkas ni Magsino ang mahahalagang panukala na naglalayong responsableng tutukan ang mga mahahalaga at napapanahong pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), migranteng manggagawa, mga maglalayag, mga manggagawa sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO), mga guro, senior citizens, at iba pang mahihinang sektor ng lipunan. 


Ang isa sa kanyang inihaing panukala ay ang House Bill 361, o ang "Fair Placement Fees for OFWs Act," na naglalayong ipagbawal ang pangongolekta ng placement fees na labis sa itinakdang halaga, kabilang ang pangongolekta ng placement fees bilang paunang bayad sa inaalok na trabaho. 


Inihain din ni Magsino ang HB 363, o ang “BPO Workers’ Welfare and Protection Act of 2021,” na naglalayong gawaran ang mga manggagawa ng BPO ng akses sa mahahalagang impormasyon, na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kanilang mga karapatan, benepisyo, obligasyon at iba pa. 


Layon din ng panukala na tugunan ang pangangalaga ng mga manggagawa ng BPO sa labis na trabaho at kakulangan ng mga tauhan, gayundin ang regularisasyon at karapatan sa mga benepisyo ng kanilang mga kawani, matapos ang anim na buwan na probationary training period. 


Ang ilan pa sa mga inihaing panukala ay ang: HB 362, o ang "Abot-kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen; "HB 364, o ang "Classroom Management Support and Protection for Teachers Act"; HB 365, o ang "OFWs Credit Assistance Act"; HB 366, o "Strengthen Human Rights Education and System of Legal Assistance for Migrant Workers Act"; HB 367, o "Indigent Job Applicants Discount"; HB 368 o ang "Magna Carta of Filipino Seafarers"; HB 369, o "OFWs Exemption from PhilHealth Contribution"; at HB 370, o ang "Left-behind Household of OFWs Act." 


"These bills would amply safeguard their rights and protect their liberties against different forms of abuse and oppression through the institution of grounded and valuable programs, and adequate provision of welfare, social and credit assistance, grants, exemptions, and discounts, among others," ani Magsino. 


Dumalo sa paunang paghahain ng panukala ni Magsino ang kanyang Chief-of-Staff na si Atty. Hanna Lee Bravo. Si Magsino ay dating beauty queen, TV host at artista, at mas kilala sa kanyang pangalan sa puting tabing bilang Marissa del Mar. 


Isa siyang socio-civic leader at malakas na tagasulong ng adbokasya para sa mga kapakanan ng mga OFWs.

Free Counters
Free Counters