Monday, July 04, 2022

IKALAWANG BATCH NG MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, SUMAILALIM SA ISANG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON SA KAPULUNGAN

Upang higit na maunawaan ang masalimuot na paggawa ng batas, ang ikalawang batch ng mga papasok na Miyembro ng Kapulungan sa ika-19 na Kongreso ay binigyan ng briefing ngayong Lunes ng hapon, hinggil sa Pampublikong Patakaran at Paggawa ng Patakaran, gayundin ang mga Proseso ng Lehislatura, sa idinaos na Executive Course on Legislation. 


Si Dean Dan Saguil ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) ang nagbigay ng panimulang paksa sa pampublikong patakaran at paggawa ng patakaran. 


Ayon sa kanya, ang mga pampublikong patakaran ay mahalagang mga patnubay para sa mga gagawin sa hinaharap na pangunahing pinagpapasyahan ng mga organisasyon ng pamahalaan, at pormal na naglalayong maisakatuparan kung ano ang para sa pampublikong interes sa pamamagitan ng pinakamabisang paraan. 


Aniya, ang pag-unlad ay hindi lamang paglago. "What is important with that development is iyong 'change.' The kind of change that will happen and with that policy," aniya. 


Tinalakay din ni Saguil ang mga uri ng mga patakaran, mga pagpapalagay sa proseso ng patakaran, at mga modelo ng sistema ng patakaran. 


Samantala, si Iloilo Rep. Lorenz Defensor ay kabilang sa mga panauhing tagapagsalita ngayong Lunes, tinalakay niya ang paksa sa proseso ng lehislatura kung paano nagiging batas ang isang panukala. 


Kabilang sa mga prosesong ito ang: 1) paghahain at pagsangguni ng isang panukalang batas, 2) ang pagsasama ng panukalang batas sa Unang Pagbasa kung saan isinangguni ng Speaker ang panukala sa naaangkop na Komite, 3) deliberasyon, mga susog, interpelasyon, at pag-apruba sa Ikalawang Pagbasa sa pamamagitan ng viva voce na pagboto, 4) pag-apruba sa Ikatlong Pagbasa sa pamamagitan ng nominal na pagboto, 5) pagpapadala sa Senado para sa pagsasama-sama ng dalawang bersyon at isang posibleng bicameral conference committee kung may hindi sumasang-ayon na mga probisyon, 6) ang panukalang batas ay magiging isang unenrolled bill na lalagdaan ng House Speaker, Senate President, House Secretary General at Senate Secretary, at 7) ito ay ipapadala sa Office of the President para sa kanyang lagda ng pag-apruba o pagtanggi (veto). 


Tinalakay din ni Defensor ang iba't ibang sitwasyon sa paggawa ng batas alinsunod sa mga tuntunin ng Kapulungan.

Free Counters
Free Counters