Friday, April 08, 2022

TUNGKULIN NG MAMUMUNO SA PANAHON NG KAGIPITAN, BINIGYAN-DIIN SA HULING ARAW NG PAGSASANAY SA MULTI-HAZARD NG KAPULUNGAN SA MGA KRITIKAL NA PASILIDAD

Matagumpay na natapos ngayong Huwebes ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, ang apat na araw na pagsasanay na "Multi-Hazard Emergency Response for Critical Facilities". 


Nagtapos ito sa isang kunwaring pagtatanghal na nagbigay-daan sa mga kalahok na gamitin ang kanilang kaalaman at kasanayan para sa kaligtasan, at sa pagbabawas ng mga nasawi sa panahon ng mga kagipitan. 


Sa sesyon na idinaos kaninang umaga, isang retiradong opisyal ng Philippine Coast Guard na si Dr. Teofredo “Ted” Esguerra, na isang North American rescue instructor, ay tinalakay ang proseso ng SALT (Sort, Assess, Lifesaving-Interventions, Treat/ Transport), Mass Casualty Incident (MCI) Management, kabilang ang mga kulay ng triage at ang mga katumbas na kahulugan nito, at iba pa. 


Sinabi niya na ang apat na kategorya ng triage sa sitwasyon ng maramihang biktima ay: 1) pula para sa agarang paggamot, 2) dilaw para sa naantalang paggamot, 3) berde para sa paglalakad na nasugatan, at itim para sa namatay/umaasa. 


Aniya, ang Global Assessment, na kinabibilangan ng proseso ng SALT, ay hindi pa isinasagawa sa bansa. Ang tinututukan ay ang triage at mabilis na proseso ng paggamot, ayon kay Esguerra. Inihalintulad niya ang workshop simulation sa mga insidente ng pambobomba na naranasan ng mga Ukranian. 


“We will simulate like we were bombed foreign or domestic. Who’s gonna help us like the Ukrainians? They helped themselves because there was nothing there, no one (was). So, we will do the same.  Parang (sa) Kiev. May bumagsak na bomb where we will help the people,” ani Esguerra. 


Hinimok niya ang mga kalahok na akuin ang mga tungkulin ng pamumuno sa loob ng kanilang sariling mga nasasakupan, lalo na sa panahon ng mga kagipitan. 


"Lead your men in front, seek your men's welfare, do first what you tell your people to do, and train your men to be leaders themselves," dagdag pa ni Esguerra. 


Sa isinagawang pangwakas na seremonya, iniabot nina Administrative Department Deputy Secretary General Dr. Ramon Ricardo Roque, CESO I, Diplomate, at House Sergeant-at-Arms Police Brigadier General Rodelio Jocson (Ret.), sa mga kalahok ang kanilang mga sertipiko para sa pagkumpleto ng pagsasanay sa multi-hazard sa mga kritikal na pasilidad. 


Nagpasalamat din si Jocson sa pangkat ni Esguerra, sa matagumpay na pagsasanay sa apat na araw na disaster management at response training ng mga empleyado ng Kapulungan. 


“Hangga’t buhay tayo, ‘yong kaalaman natin ay makakatulong sa ating mga mahal sa buhay,” ani Jocson. 


Ang pagsasanay ay inorganisa ng Office of the Sergeant-at-Arms, sa pakikipagtulungan sa Human Resource Management Service, North American Rescue (NAR), Energy Development Corporation, at Wilderness Search and Rescue.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters