Friday, April 01, 2022

PAGLILIMBAG NG BALOTA AT MGA USAPIN HINGGIL SA PAGHA-HACK SA SMARTMATIC, TINALAKAY NG KOMITE

Ipinagpatuloy ngayong Lunes sa isang online na pagdinig ng Komite ng Suffrage and Electoral Reforms sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie De Leon Ferrer, ang pagtalakay nito sa pinakabagong paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa lokal at pambansang halalan sa ika-9 ng Mayo 9 2022. Tinalakay ng Komite ang mga usapin  hinggil sa paglilimbag ng balota at diumano'y pag-hack ng sistema ng Smartmatic.  Ang Vice-Chairperson ng Komite na si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ay masusing siniyasat ang proseso ng paglilimbag ng balota, gayundin ang kawalan ng mga kinatawan sa proseso ng paglilimbag nito. “Ang problema lamang, nakita niyo ang mga balota na mali, hindi ninyo in-inform ang mga political parties, including the public. Pangalawa, noong ni-reprint ninyo, hindi ninyo rin in-inform ang mga observers. And that is the reason why everybody is doubting whether or not these ballots printed or reprinted are actually accurate or not. At palagi naman natin sinasabi ang kahalagahan ng halalan,” ani Barzaga. Nilinaw ni Comelec Commissioner George Garcia na hindi lahat ng naiulat na 5,992,763 na nakalimbag na mga balota ay ganap na may depekto. Sinabi niya na sa ngayon ay may 105,853 na puro depektibong mga balota lamang ang natukoy ng COMELEC. “Iba po talaga ‘yong height, iba po ‘yong size. Iyong color po talaga  medyo hindi po nagtutugma doon sa color as required by our guideline specifications. Pagkatapos po may mga nudge, may mga smudge po sa balota,” dagdag ni Garcia. Inimbitahan din niya ang Komite na obserbahan ang random sampling ng mga balota nainilimbag nang walang mga watchers, tagamasid at kinatawan ng iba't ibang political parties. Nilinaw din ng Komite ang usapin ng umano'y paglabag at pagka-kompromiso ng sistema ng Smartmatic. Naglabas naman ng pahayag si Smartmatic Legal Counsel Christopher Louie Ocampo na nagsasaad na ang Automated Election System (AES) source code at software ay sumailalim sa masusuing pagsisiyasat, mapa-lokal man at internasyonal. Sinabi rin ni Ocampo na ang mga server at imprastraktura ng COMELEC ay independyente at ang komisyon sa halalan ay hindi kailanman nagbabahagi ng datos hinggil sahalalan sa Smartmatic. Binanggit din sa kanilang pahayag na walang hacking na naganap sakanilang sariling sistema, at ang kanilang dating empleyado ay ganap na walang kaugnayan sa halalan sa Pilipinas.  "He downloaded non-sensitive, day-to-day operational materials from a repository readily available to all Smartmatic staff," ayon sa pahayag. Sinabi rin ni Ocampo na ang kaguluhan ay nagmula sa isang Facebook page ng isang grupo na kilala bilang "XSOX" na puno ng maling impormasyon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters