Friday, April 01, 2022

MANDATORY SAVINGS ACT NA PANG AYUDA SA PAMILYANG PILIPINO ISINULONG NI CAYETANO

Tinutulak ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang isang panukalang batas na nag-uutos sa mga ahensya ng gobyerno na magtabi ng hindi bababa sa limang porsyento ng kanilang budget para makalikom ang pamahalaan ng P250 bilyon na magagamit nito sa pagbigay ng direktang ayuda sa milyon-milyong pamilyang Pilipino.


Layon ng House Bill No. 10832 o ang "Mandatory Savings Act of 2022" na itulak ang lahat ng kagawaran ng pamahalaan, mga kawanihan, opisina, ahensya, government financial institutions (GFIs), at instrumentalities pati na ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) na magtabi ng limang porsyento ng kanilang budget bilang savings sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga aktibidad at programa na hindi esensyal sa kanilang paggana.


Sinumite ni Cayetano ang naturang panukalang batas noong Marso 31, 2022 kasama ang asawang si Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano, Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund "Lray" Villafuerte Jr., Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu, at Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez.


“Basically, it’s a legislative authority mandating a five-percent savings then allowing the government the flexibility na gamitin ‘to sa mga dadating na pagsubok,” ani Cayetano sa isang press conference noong Marso 31, 2022.


Ayon sa naturang panukalang batas, noong 2020 bumulusok ng 9.5% ang Gross Domestic Product ng bansa, samantalang tumaas naman ng 17.7% ang unemployment rate. Katumbas ito ng 7.3 milyong Pilipino na nawalan ng trabaho, ang pinakamataas na bilang sa loob ng 15 taon.


Noong Agosto 2021 naman, humarap ang bansa sa inflation rate na 4.9%, na siyang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa loob ng dalawang taon, dagdag ng panukalang batas.


Inilalatag ng HB 10832 ang five percent mandatory savings sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang makabuo ng halagang inaasahang aabot ng P250 bilyon upang pondohan ang ayuda sa mga Pilipinong pilit bumabangon mula sa mga epekto ng pandemya sa kanilang kabuhayan.


Upang ipatutupad ito, nakasaad sa panukalang batas ang streamlining o ang pagtukoy sa mga aktibidad ng gobyerno na makikitang hindi esensyal sa paghahatid ng serbisyo-publiko. Maaaring baguhin ang saklaw ng mga ito o di kaya’y tanggalin nang tuluyan, batay sa mga civil service rules at mga regulasyon.


Sa press conference noong Huwebes, sinabi ni Cayetano na "napaka-flexible" ng  P250 bilyon na inaasahang malilikom dahil sa Mandatory Savings Bill, at maaari aniya itong gamitin upang tugunan ang pangangailangan hindi lamang ng 20 milyong pamilyang Pilipino na maaaring maabutan ng ayuda kundi pati rin ang pangangailangan ng partikular na mga sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, kalusugan, mga senior citizen at mga bulnerableng indibidwal, at mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).


“This is not a dole-out, this is actually kick starting y’ung small businesses,” ani Cayetano. ####

Free Counters
Free Counters