Friday, April 01, 2022

SECRETARIAT NG KAPULUNGAN, NAGDAOS NG FORUM SA KONSEPTO NG PAMBANSANG SEGURIDAD AT MGA KASALUKUYANG USAPIN

Nagdaos ngayong Martes ang Congressional Policy and Budget Research Department sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Deputy-Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr., ang isang forum hinggil sa National Security Concepts at mga kasalukuyang usapin. Ilan sa mga inanyayahang mga tagapagsalita ay sina Office of the Presidential Adviser on Streamlining of Government Processes (OPASGP) Undersecretary Gloria Mercado, National Defense College (NDC) faculty member, Dr. Lloyd Bautista, DPA, at Philippine Public Safety College (PPSC) Center for Policy and Strategy Chief Rodney Jagolino, MNSA. Sa naturang talakayan, tinalakay ni Mercado ang istraktura ng pambansang seguridad ng bansa, na particular na tumutok sa Strength, Weakness, Opportunity and Threat (SWOT) Analysis, na inihayag ang mga katotohanang nakakaapekto sa pambansang seguridad ng bansa. Sinabi rin ni Mercado na ang pambansang tugon ng bansa ay dapat na isama ang sambayanan, kabilang ang mga pribado at sektor ng kalakalan. Samantala, tinalakay naman ni Bautista ang mga usapin sa pambansang seguridad sa susunod na anim na taon, na nakatutok sa kasalukuyang uso at mga nakakaapekto sa macropolitical, ekonomiya, lipunan, teknolohikal at kalagayan ng kasundaluhan. Tinalakay niya rin ang siyam na pangunahing usapin sa polisiya sa susunod na anim na taon sa ilalim ng bagong administrasyon. Ito ay ang mga sumusunod: 1) pandemya ng COVID-19, 2) pagbabalik ng ekonomiya, 3) Fourth Industrial Revolution, 4) pagbabago ng klima at seguridad sa enerhiya, 5) South China Sea at AFP external territorial defense, 6) sigalot sa pagitan ng Ukraine-Russia, 7) Public safety and good governance, 8 ) kaunlaran sa mga rehiyon at spatial planning, at 9) pagbabago ng liderato at transisyon sa 2022. Gayundin, nagbahagi si Philippine Public Safety College (PPSC) Center for Policy and Strategy Chief Rodney Jagolino, MNSA ng mga detalyadong talakayan sa National Security Crisis Management. Binanggit niya na ang mga instrumento ng pambansang kapangyarihan ay nahahati sa anim na kategorya: politikal, geo-ecological, socio-cultural, ekonomiya, techno-scientific, at unipormadong paglilingkod. Sinabi niya rin na ang mga instrumentong ito ay nakatuon sa pangangalaga ng sambayanang Pilipino at pambansang nasasakupan, pagsusulong ng kasaganaan ng Pilipinas, pagsusulong ng impluwensya at kapakinabangan, at pangangalaga ng kasarinlan ng bansa, kabilang ang pandaigdigang kapayapaan at kaayusan. Ang talakayan ay ipagpapatuloy bukas, at nakatakdang iprisinta ng mga kalahok sa forum ang mga aktibidad sa kunwaring pagtugon sa krisis.     


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters