Friday, April 08, 2022

ORYENTASYON NG COMELEC HINGGIL SA CONSOLIDATION AND CANVASSING SYSTEM (CCS) PARA SA HALALAAN 2022, ISINAGAWA NG KAPULUNGAN

Pinangasiwaan ngayong Lunes ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang oryentasyon ng Commission on Elections (COMELEC) para sa National Board of Canvassers-Congress hinggil sa paggamit ng Consolidation and Canvassing System (CCS), para sa halalan sa Mayo 2022. Sa kanyang pambungad na mensahe, ipinahayag ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na ang pagbilang ng mga boto para sa mga kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente ay isa sa pinakamahalagang mandatong konstitusyunal ng Kongreso. 


Binanggit niya na ginagawa ng Kapulungan ang bahagi nito upang matiyak ang katapatan, pagiging lehitimo ng halalan, at pangangalaga ng demokratikong pamahalaan.


Ipinahayag din ng Chairperson ng Komite ng Suffrage and Electoral Reforms na si Negros Occidental Rep. Juliet Marie Ferrer na uunahin ng Kongreso ang tapat at mahusay na pagsasagawa ng pagbibilang ng boto.


Sinabi naman ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo na sinisikap nilang tiyakin sa publiko na "ang bawat boto ay mabibilang ng tama at wasto." 


Ibinahagi ni COMELEC Information and Technology Department (ITD) Director Eden Bolo sa pagpupulong ang pangkalahatang-ideya ng CCS, na nagbibigay at nagpapadala ng mga ulat ng boto. 


Tinalakay pa ni COMELEC Systems and Programs Division IT Officer Felimon Enrile III ang pamamaraan ng pagpapatakbo ng CCS at nagsagawa ng end-to-end na demonstrasyon ng sistema. 


Samantala, sinabi ni Roderic Ilagan, Information and Technology Officer III ng COMELEC ITD, na inaasahang maisasagawa sa huling linggo ng Abril ang opisyal na pamamahagi ng kagamitan ng CCS. 


Sinabi ni Ilagan na ang unang kagamitan na ililipat sa Kapulungan ng mga Kinatawan ay ang transmission media. 


“So ngayon po waiting lang po for confirmation ng location ng transmission media or ‘yung canvassing center kung saang room, saang hall, saan po ipupuwesto ung canvassing. (Then) saka po namin idedeploy ung transmission media,” aniya. 


Bago tapusin ang kaganapan, ipinahayag ni House Legal Affairs Department Deputy Secretary General Atty.  Annalou Nachura na, “As Congress performs its constitutional duty, we must ensure public confidence in the integrity of system and that the true will of the electorate is upheld.” 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters