-PRIBADONG SEKTOR, DAPAT BIGYAN NG PAPEL SA PROGRAMA NG PAGBABAKUNA LABAN SA COVID-19
Upang mapanatili ang momentum ng pagbabakuna laban sa COVID-19, hinihimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang pambansang pamahalaan na humanap ng posibilidad na mabigyan ang pribadong sektor ng mas malawak na papel sa programa ng pagbabakuna laban sa nakamamatay na coronavirus.
Sinabi ni Velasco na ang pambansang pamahalaan ay maaaring magsimula sa pamamagitan ng pagrerepaso at pagrerebisa ng polisiya sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 upang bigyang-daan ang pribadong sektor na direktang makabili sa mga pabrikante.
Ayon sa kanya, dahil mayroon nang sapat na suplay ng ligtas at epektibong COVID-19 vaccines globally, panahon nang ikonsidera ng pamahalaan na payagan ang private sector na direktang makipag-ugnayan sa mga manufacturer upang maseguro ang isang mas sustainable at dependable na suplay ng bakuna para mga mamamayan.
Alinsunod sa Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, ang mga pribadong kumpanya at mga yunit ng lokal na pamahalaan (LGUs) ay pinahihintulutan na makabili ng mga bakuna at gamitin ito para sa mga hindi inaasahang pangyayari sa pamamagitan ng isang tripartite na kasunduan sa mga pabrikante at pambansang pamahalaan, na kinakatawan ng Department of Health (DOH) at ang National Task Force Against COVID-19 (NTF).
Sinabi ni Velasco, na siyang pangunahing may-akda ng RA 11525 sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na bukas siya sa pag-amyenda sa batas para mapayagan ang mga pribadong kumpanya na direktang bumili ng mga bakuna para sa kanilang mga kawani at mga dependent. Sinabi ng pinuno ng Kapulungan na pumayag din siyang ilipat ang ilang mga responsibilidad at tungkulin sa programa ng pagbabkuna laban sa COVID-19 mula sa pambansang pamahalaan patungo sa mga LGU.
Ipinahayag din ni Velasco na ang pagbibigay sa pribadong sektor ng pahintulot na direktang bumili ng mga bakuna laban sa COVID-19 ay "makakagaan sa pasanin ng pamahalaan sa pondo nito lalo na sa pagbili ng bakuna at pangangasiwa nito ay nangangailangan ng maraming mga hamon sa logistik."
“By granting the private sector greater participation in the vaccination campaign, the government can focus its resources on the inoculation of frontliners, uniformed personnel and vulnerable sectors,” sabi ni Velasco. “The amount the government will save can be channeled to efforts to help economic recovery post-pandemic,” dagdag niya.
Dahil sa mataas na antas ng kahusayan ng pribadong sektor, sinabi ni Velasco na ang higit na pakikilahok nito sa pagbabakuna laban sa COVID-19 ang magpapahusay sa mga pagsisikap ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis at mahusay na paglulunsad ng mga magagamit na bakuna.
Samantala, hinimok ni Velasco ang DOH at NTF na isapubliko ang anumang kanilang matutuklasan kung gaano tatagal ang kaligtasan mula sa sakit ng mga bakuna laban sa COVID-19.
“They should inform the public how long a certain vaccine brand lasts so that people would know when they get a booster or get inoculated again,” sabi ni Velasco.
Nauna nang pinuri ni Velasco ang pambansang pamahalaan para sa agresibo nitong pagsusumikap sa pagbabakuna, na nagresulta sa napakalaking pagbaba ng mga bilang ng impeksyon sa COVID-19, partikular sa National Capital Region kung saan ang ilang bilang ng mga residente ay ganap na nabakunahan. Binati rin niya ang administrasyong Duterte sa matagumpay na paglulunsad ng National COVID-19 Vaccination Days, na kung saan may karagdagang 9.9 milyong Pilipino ang nabakunahan mula Nob. 29 hanggang Disyembre 3. Ang programa ng pagbabakuna ay magkakaroon ng pangalawang paglulunsad sa Dis. 15 hanggang 17. #
<< Home