Thursday, September 09, 2021

-PANUKALA HINGGIL SA REGULASYON NG POLUSYON SA INGAY, APRUBADO SA KOMITE NG ECOLOGY

Inaprubahan (ngayong Miyerkules) ng Committee on Ecology sa Kamara kahapon ang mga panukala hinggil sa pagbabawas at pagkontrol sa ingay.

Ito ang House Bill 2516 na inihain ni Iloilo Rep. Raul Tupas at HB 3052 ni Quezon Rep. Angelina Tan.


Layon ng HB 2516 ang paglikha ng Noise Pollution Control Board, upang makontrol ang polusyon sa ingay.


Samantala, layon ng HB 3052 na kontrolin ang ingay na likha ng kaguluhan ng publiko, at ang paggamit ng videoke, o mga aparato na nagpapalakas ng tunog na hindi nagiging panganib sa kalusugan, kapayapaan o kaligtasan ng mga tao.


Magpapataw ito ng mga parusa para sa mga paglabag.


Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Chairperson at Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad, na dahil ang pagkontrol sa ingay ay nailipat na sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang bawat LGU ang siyang nagpapatupad ng kani-kanilang mga lokal na ordinansa.


Sinabi niya na kung titingnan ang iba't ibang mga regulasyon na isinasagawa ng bawat LGU, tila may kakulangan sa mga detalye.





Samantala, sinabi ni Tupas sa kanyang isponsorship, na ang pagkakalantad sa ingay ay may kaugnayan din sa posibleng epekto sa katawan, kabilang ang mga sipon, pagbabago sa presyon ng dugo, iba pang mga pagbabago sa karamdaman sa puso, pagtaas ng pagbisita sa doctor / ospital, mga problema sa sistema ng panunaw, kasama na ang pangkalahatang pagkapagod.


Sinabi pa ng mambabatas na ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa, na kulang sa pambansang patakaran at regulasyon, upang labanan ang polusyon sa ingay dahil sa kakulangan ng mga pamamaraan, upang tukuyin at sukatin ito, kabilang na ang hirap sa pagkontrol nito.


Sinabi naman ni Tan na ang kanyang panukala ay sumasalamin sa mga usapin at nasasakupan ng kaayusan at kaligtasan ng publiko, kalusugan sa publiko, at ekolohiya dahil sa patakaran na kinikilala ang ingay bilang isa sa mga nangungunang peligro sa kapaligiran, sa parehong pisikal at mental na kalusugan, at kapakanan ng bawat tao. Lumikha ang Komite ng isang technical working group (TWG), upang ayusin at pagsamahin ang dalawang panukala. Pamumunuan nina Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. at Manila Rep. John Marvin Nieto ang TWG.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters