-KALAGAYAN NG EDUKASYON SA KABIKULAN, IPINALIWANAG NG DEPED SA KAMARA
Ipinaliwanag ng mga opisyales ng Department of Education (DepEd) ng Rehiyon 5 kahapon sa Special Committee on Bicol Recovery and Economic Development sa Kamara, ang hinggil sa mga pamamaraan ng pag-aaral na ipatutupad para sa mga mag-aaral, sa darating na taong akademya sa gitna ng pandemya, kabilang na ang kanilang pagsasanay at scholarships.
Nagprisinta rin ang opisyal ng huling kaganapan sa mga isinasagawang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga gusali at silid-aralan, na sinalanta ng malakas na bagyong Rolly noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Jocelyn Fortuno, Chairperson ng Espesyal na Komite, sa harap ng darating na deliberasyon ng pambansang pondo, nararapat lamang para sa kanilang mga mambabatas na mabigyan ng kaalaman sa kalagayan ng edukasyon mula sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
(“So today, we are to hear from our regional leaders in the education sector, which I think is greatly affected by this pandemic and the battering of the three super typhoons last year. We would like to know how are our schools, how are our students,” tinuran ni Fortuno sa kanyang pambungad na pananalita.)
Sinabi naman ni DepEd Regional Director Gilbert Sadsad na aabot sa P9.972-bilyon ang kinakailangan upang ganap na makumpuni ang mga sumusunod: 1) 3,141 ganap na nawasak na silid-aralan; 2) 3,980 silid-aralan na may malaking pinsala; at 3) 6,477 silid-aralan na may katamtamang pinsala.
Layon din ng DepEd na epektibo at maayos na pangasiwaan ang paggamit ng mga mapagkukunan para sa mas masaganang school year 2021-2022, aniya.
Binanggit din ni Sadsad ang kahandaan ng mga guro para sa bagong taon ng akademya, dahil sa isinagawang pagsasanay para sa mga teaching at non-teaching na mga kawani, at ang kakayahan sa sari-saring modalidad at plataporma sa online, bilang bahagi ng pagtuturo.
Isinasaalang-alang din ng ahensya ang pagtuturo, na nakabatay sa radyo at telebisyon bilang malakas na pamamaraan, bukod sa ganap na modular distance learning, ayon pa sa kanya.
Bukod dito, sinabi niya na namamahagi ng DepEd ng pagsasanay para sa mga guro sa iba’t ibang istratehiya ng pagtaya, partikular na ang distance learning, at patuloy nitong pinalalakas ang kakayahan ng mga magulang at iba pang mga learning facilitators, at mga nagboboluntaryo sa edukasyon, at iba pa, bilang bahagi pa rin ng kanilang pamamaraan sa pagtuturo.
Ang ilan sa mga ipinapanukala ng DepEd para sa inisyatiba sa lehislatura sa Rehiyon ng Bicol ay 1) suporta para sa probisyon ng kalusugan sa kaisipan at sikolohiyang first aid para sa mga mag-aaral at mga guro, 2) suporta sa pagtatayo ng mga silid-aralan na kayang tumugon sa mga bagyo at baha, 3) radyo sa komunidad para sa lahat ng paaralan na may kumpletong kagamitan, 4) pagsasagawa ng limitadong face to face classes sa mga low risk na lugar, at 5) pondo para sa mga kagamitan sa pag-aaral, at iba pa.
“Ang free wi-fi hindi pa po nararamdaman sa mga schools,” ani Sadsad. Iminungkahi ni Catanduanes Rep. Hector Sanchez sa Espesyal na Komite na magpatawag ng tugon mula sa DICT, hinggil sa probisyon ng libreng wi-fi sa mga paaralan sa rehiyon.
Ang usapin ay binanggit din ni Deputy Speaker at Sorsogon Rep. Evelina Escudero, na nais ding malaman kung magkano ang ginagasta ng mga mag-aaral para sa kanilang intenet connection o internet load.
Samantala, sinabi ni CHED Regional Director Ma. Pamela Vinas na ang pamamaraan ng paghahatid ng edukasyon ng ahensya ay kinabibilangan ng magaan na pag-aaral, alinsunod sa CMO 4 s,2020 o ang Guidelines on the Implementation of Flexible Learning, kabilang na ang limitadong face to face classes, batay sa ilalim ng CHED-DOH Joint Memorandum Circular No. 2021-001.
Ilan sa mga mungkahi ng CHED para sa inisyatibang lehislatura para sa Rehiyon ng Bicol ay ang pagpapaunlad ng internet connectivity, lalo na sa mga kanayunan, at mas maraming scholarships.
At panghuli, sinabi ni TESDA Regional Director Elmer Talavera na hindi katulad ng DepEd, na nagpapatupad ng modular learning mode, ang TESDA ay nagsasagawa ng blended learning. Sinabi ni Talavera na mayroong 92 TESDA assessment centers sa Rehiyon 5.
Idinagdag niya na ang mga suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa kanilang pagsasanay ay ang pagkaantala ng pagpapalabas ng pondo sa pagsasanay at allowance para sa mga aklat.
Sa mga problema naman matapos ang pagsasanay, kinabibilangan ito ng pagkaantala o hindi naipalalabas na mga toolkits.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home