Erice: Mga pribadong sasakyan, ipagbawal sa EDSA kung rush hour
Inirerekomenda ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice, vice chairman ng House Committee on Metropolitan Development, na maipagbawal na sa EDSA ang pagbiyahe ng mga pribadong sasakyan kung rush hour.
Ang rekomendasyon ni Erice ay sa harap na rin ng inaasahang pagsisikip pa ng daloy ng trapiko sa papalapit na Christmas season.
Sinabi ni Erice na mula alas-sais hanggang alas-nueve ng umaga at mula alas-sais hanggang alas-nuebe ng gabi ay dapat ipagbawal ang mga private vehicle.
Ibig sabihin, mga pampublikong sasakyan o mass transport lang ang bibiyahe sa mga oras na ito sa EDSA o tatawaging "mass transport highway."
Tinukoy ng kongresista na nasa tinatayang 300,000 ang pribadong sasakyan na bumibyahe sa EDSA araw-araw. Mas marami ito sa 8,000 bus sa EDSA.
Idinagdag pa ng solon na kahit doblehin pa o triplehin pa ang mga buses at public utility vehicles dyan sa EDSA, maluwang pa rin ang EDSA at mas maraming mamamayan natin ang makikinabang.
Ayon pa sa kanya, maaari naman umanong pag-aralan kung mapapayagan ang mga motorsiklo at ride-hailing firm tulad ng Grab na bumiyahe sa EDSA kahit rush hour.
Ngunit, paglilinaw ni Erice, pansamantala at madaliang solusyon lamang ito habang hinihintay na matapos ang mga itinatayong imprastruktura at pagsasaayos ng railway system sa Metro Manila.
Nabatid sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umabot na sa 405,882 ang average na bilang ng mga sasakyan sa EDSA simula nuong Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon. Mas mataas iyan sa 383, 828 na sa mga sasakyan nuong 2018.
<< Home