Rep. Tutor: Nananawagan sa mga Media network na tulungan ang pamahalaan para maibalik ang tiwala sa vaccination program
Hinihimok ngayon ni Bohol Rep. Alexie Tutor, Vice Chairman ng House Committee on Health ang mga Media Network sa Pilipinas na tulungan ang gobyerno na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa vaccination program ng pamahalaan.
Ang panawagan ay ginawa matapos maitala ang patuloy na pagtaas ng dengue cases pati narin ang posibilidad ng pagbabalik ng polio virus at iba pang sakit sa bansa.
Minungkahi ng kongresista na magkaroon ng trending na anti-polio at pro-vaccination ads sa radio, tv at print media nang saganun ay makalikha ng kamalayan ang publiko sa importansya ng pagpapabakuna.
Iminungkahi pa rin nito sa Radio TV Malacanang na gumawa ng "convincing" na radio at TV ad at paulit-ulit itong i-broadcast, kasama ang apela mula mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte na target ang mga magulang para pabakunahan ang lahat ng kanilang anak.
Nakikiusap din ang kongresista sa mga producer ng teleserye at noontime shows na isama sa kanilang mga programa ang ilang minutong pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa pagiging ligtas ng bakuna.
Sa huli, umaapela din ang mambabatas sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pakilusin lahat ng barangay upang mapabakunahan ang lahat ng dapat mabakunahan sa bansa.
<< Home