Monday, September 27, 2021

-DAPAT MAKABOTO ANG BAWAT PILIPINO SA DARATING NA HALALAN — SPEAKER VELASCO

Hinimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang Commission on Elections (COMELEC), na sikaping matiyak na ang lahat ng Pilipino na maaari nang bumoto sa Mayo 2022 elections ay makaparehistro, matapos na ipasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala na nagpapalawig sa deadline ng pagpaparehistro ng mga botante.

Ayon kay Velasco, hindi dapat na hayaan ng Comelec ang proseso ng demokrasya sa halalan na mahadlangan, dahil sa pandemya ng COVID-19, na may potensyal na magresulta sa malawakang voter disenfranchisement.


Inaprubahan ng lehislatura sa ikalawang pagbasa noong nakaraang Biyernes ang inamyendahang bersyon ng House Bill 10261, na nagtatakda sa huling araw ng rehistrasyon ng mga botante sa 2022 pambansa at lokal na halalan.


Sa ilalim ng panukalang inihain ni Velasco – kasama sina Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano – ang huling araw ng pagpaparehistro ng mga botante para sa halalan sa susunod na taon ay 30 araw matapos ang effectivity ng naturang panukala.








Sinabi ni Velasco na ang isang mahalagang hakbang na dapat na gawin ng Comelec para maiwasan ang pagkawala ng karapatan ng mga botante, ay palawigin ang panahon ng rehistrasyon na nakatakdang magtapos sa ika-30 ng Setyembre ngayong taon.


Ang orihinal na bersyon ng HB 10261, ay humihiling na palawigin ang deadline ng rehistrasyon ng mga botante hanggang ika-31 ng Oktubre 2021.


“Extending the voter registration would allow our young people, as well as those who have been deactivated, to register and vote in next year’s elections,” ani Velasco.


Ang mga datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na 73 milyong botante ang kwalipikadong lumahok sa halalan sa Mayo 2022.


Iniulat naman ng Comelec na mayroon lamang 61 milyong rehistradong botante sa bansa, hanggang sa ika-23 ng Agosto.


Kaugnay nito, hiniling ni Velasco sa Comelec na maglatag ng pamamaraan, upang mapagaan para sa mga Pilipino ang pagpaparehistro at pagboto, tulad ng pagsasaayos ng mga mahahabang linya sa pila, sa mga registration centers.


Ayon kay Speaker, hindi dapat na maging sagabal at pahirap para sa mga Pilipino ang pagpaparehistro para makaboto, lalo na sa mga ngayon pa lamang boboto, sa gitna ng mga dumaraming reklamo sa hirap na nararanasan sa proseso ng rehistrasyon.


Ikinalulungkot ni Speaker kung papaano ang mga nagpaparehistro ay nakakaranas ng napakahabang pila, na nagsisimula pa ng madaling araw, at kadalasan ay hindi rin umaabot sa rehistrasyon.


“Why do we make it so hard for people to register to vote? We urge the Comelec to make voting free, fair and easy,” ani Velasco.


Sinabi ng pinuno ng Kapulungan na marapat lamang na palawigin ang deadline ng voter registration, para sa mga nawala at nasayang na panahon dahil sa pandemya.


Ayon pa kay Velasco, ang anim na buwang supensyon sa rehistrasyon ng mga botante sa gitna ng pandemya noong 2020 ay naging hadlang sa maraming Pilipino, sa kanilang unang hakbang na makalahok sa halalan sa Mayo 2022.


Binanggit ni Velasco na ang rehistrasyon ay sinuspindi pa sa 2021 dahil sa pagpapairal ng iba’t ibang klase ng community quarantine sa buong bansa.


“Let’s give to registrants the time lost when they weren’t able to register. At least give them an additional month so that they could participate in the coming national elections,” aniya. #

Free Counters
Free Counters