-SESYON SA KAPULUNGAN SA PANAHON NG ECQ, SUSPINDIDO
Hindi magdaraos ng sesyon sa plenaryo ang Kamara de Representantes, kapag isinailalim na sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Kalakhang Maynila mula ika-6 hanggang 20 ng Agosto.
Sa direktiba ni Speaker Lord Allan Velasco, nagpalabas ng memorandum si House Secretary General Mark Llandro Mendoza na nagsususpindi sa regular na oras ng trabaho simula ika-5 ng Agosto, araw ng Huwebes.
Mula ika-3 hanggang 4 ng Agosto, ang oras ng trabaho ay mula alas 8 hanggang alas 5 ng hapon at ang sesyon ay magsisimula ng alas 2 hanggang alas 5, ayon pa sa memo ni Mendoza.
Sa kanyang pag-iisyu ng memo, binanggit ng liderato ng Kamara na “heightened restrictions being imposed due to the surge of COVID-19 cases, and for the health and safety of our House members and employees.”
Sa panahon ng ECQ, ang mga sumusunod ay mahigpit na ipatutupad:
• Ang sesyon sa plenaryo ay suspindido
• Ang lahat ng pagpupulong ay isasagawa sa pamamagitan ng videoconferencing lamang
• Ang mga kawani ng Secretariat lamang na may mahahalagang tungkulin ang pahihintulutang pumasok nang pisikal sa kanilang tanggapan
• Lahat ng congressional office ay sarado
• Magsasagawa ng Antigen test sa lahat ng papasok ng pisikal sa trabaho
• Kapag may bakuna ay itutuloy ang pagbabakuna sa lahat ng mga kinauukulang indibiduwal, at sila ay aabisuhan
• Pinakikiusapan ang lahat ng attached agencies na magpairal ng lean workforce
Ang mga probisyong isinasaad sa memo ay mahigpit na ipatutupad ng Legislative Security Bureau ng Kapulungan.
Sinabi ni Speaker Velasco na ang mga naturang patakaran at kinakailangan upang maiwasan ng mga autoridad ang napakabilis na pagkalat ng Delta coronavirus variant sa Kalakhang Maynila.
“The threat of this Delta variant is real, as evidenced by the surge in cases in certain regions around the world,” ani Velasco.
“By suspending regular office work and other preventive measures, we hope to contribute to the government’s effort in preventing a surge of infection that could possibly put our health care system in serious jeopardy,” dagdag pa ng pinuno ng Kapulungan.
Tiniyak ni Velasco ang publiko na ang mga patakarang ito ay nangangahulugan na hindi magiging dahilan para hindi magagampanan ng Kapulungan ang kanilang tungkulin na magbalangkas ng mga batas na makatutulong sa bansa, upang matugunan ang kasalukuyang umiiral na pandemya.
“Vital measures can still be tackled as committee hearings will still be held via remote,” aniya. #
<< Home