Monday, July 19, 2021

-MGA NAIAMBAG NG PULISYA LABAN SA COVID-19, PINURI NI SPEAKER VELASCO

Pinuri ngayong araw ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga miyembro ng Pambansang Pulisya (PNP), sa kanilang mga naiambag laban sa COVID-19, matapos siyang dumalo sa pagdiriwang ng ika-26 na Police Community Relations Month na may temang, “Pulisya at Pamayanan, BARANGAYanihan sa Hamon ng Pandemya at Laban sa Krimen.”

Sa kanyang mensahe sa ginanap na programa sa punong tanggapan ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ni Velasco ang papel na ginagampanan ng pambansang pulisya, na tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad sa panahon ng pandemya.


Nagpapasalamat siya sa malaking ambag ng ating mga pulis upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating bansa at batid daw niya na lalong tumindi ang trabaho ng ating mga pulis dahil sa umiiral na pandemya.


(I thank the police for their huge contribution in ensuring peace and order in the country. I know that their job has become even harder because of the ongoing pandemic)


Dagdag pa ni Velasco na sumasaludo rin rin siya sa ating mga unipormadong kawani na naglaan at nagsakripisyo ng kanilang buhay, kalusugan, at kaligtasan upang ang mas malaking bahagi ng ating lipunan ay maging mas ligtas sa umiiral na sakit.


(I also salute our uniformed personnel who have offered and sacrificed their lives, health and safety so that a greater part of the society would remain safe from the disease)


Binigyang diin ng lider ng Kamara ang kahalagahan ng pulisya at mga lokal na komunidad na magkaakibat na nagtatrabaho, upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan at ang pagtugon sa kriminalidad.





Sinabi niya na upang maging lubos na epektibo ang pagpapatupad ng batas, hindi maaaring kumilos ang pulisya na mag-isa; kailangan nila ang aktibong suporta at tulong ng mga mamamayan at komunidad.


“Kailangan natin ang kooperasyon ng ating mamamayan, upang lalong mapagbuti ang pagmamatyag laban sa krimen, iligal na droga, at terorismo,” giit ni Velasco.


(Critical cooperation down to the barangay level is needed to ensure that our households and communities are more peaceful)


Ang Police Community Relations Month ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Hulyo bawat taon, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 764. Ang isang buwang selebrasyon ay naglalayong paunlarin ang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng pulisya at mga komunidad na pinaglilingkuran sa pamamahala sa mga usapin ng kapayapaan at kaayusan.


Si Velasco ay inanyayahan ni NCRPO Chief of Police Major General Vicente Danao Jr bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa naturang pagdiriwang, kasabay ng pagdaraos na regular na flag raising ceremony sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Lungsod ng Taguig.


Bahagi ng selebrasyon ang awarding ceremonies sa mga karapat-dapat na mga tauhan ng PNP at mga tagapagsulong, at mga nagwagi sa rehiyon nang ginanap na paligsahan ng Sining Bayanihan Arts and Culture.


Pinangunahan din ni Velasco ang panunumpa sa tungkulin ng mga opisyales mula sa rehiyon at distrito, at mga tagapayo ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo o KKDAT, isang programa ng PNP na dinisenyo, upang mag-organisa ng kilusan na naghihikayat at nagpapalakas sa mga kakayahan ng mga kabataan, upang masugpo ang iligal na droga at suliranin sa terorismo sa mga komunidad.


Iprinisinta rin ni Danao at mga opisyales ng NCRPO kay Speaker ang mga huling kaganapan sa idinadaos na paghahanda sa seguridad, para sa ika anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gaganapin sa Batasan Pambansa Complex sa Lungsod ng Quezon sa ika-26 ng Hulyo. #

Free Counters
Free Counters