-SPEAKER VELASCO, HINIMOK ANG MGA PILIPINO NA BUMOTO NGAYONG 2022 ELECTIONS
Hinimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga Pilipino na samantalahin ang kanilang karapatang bumoto at hikayatin ang iba pa na gawin din ito.
Ang panghihimok ng lider ng Kamara ay kanyang isinagawa sa isang virtual forum, na pinamagatang “Imagining the 2022 National Elections: the Many Ways COVID-19 Pandemic can Impact on the Electoral Process.”
Isinagawa ang forum ng Komite ng People's Participation, na pinamunuan ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, sa Batasan, sa pakikipagtulungan sa Publicus Asia Inc.
Ipinahayag ni Speaker Velasco ang kaniyang kagalakan sa Kongreso sa pag-oorganisa ng isang seminar, na kung saan ay maaaring talakayin ng mga mambabatas at mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, ang mga hamon na inaasahang makakaharap sa halalan sa susunod na taon, kabilang na ang pagkakaroon ng mga posibleng solusyon upang makumbinsi ang mga Pilipino na bumoto, sa kabila ng kasalukuyang pandemya.
Layon ng nasabing forum na 1) maglaan ng isang lugar upang higit na maunawaan ng publiko ang mga limitasyon na ipinataw ng krisis pangkalusugan, sa pakikilahok nila sa proseso ng halalan, 2) itaas ang kamalayan sa mga posibleng plataporma, kung saan ang mga botante ay magiging aktibo sa paglahok sa proseso ng halalan, at 3) magprisinta ng mga bagong pamamaraan sa pagboto.
Sa kanyang pambungad na salita, binigyang-diin ni Robes na, "The committee is hopeful that somehow through this activity, the critical information on public participation in the electoral process during this unique circumstance would be properly communicated to contribute – in one way or another – in creating a better-informed, more motivated citizenry and, ultimately, a more responsive, transparent, and accountable government.”
Ibinahagi naman ni dating Commission on Elections Commissioner Atty. Luie Tito Guia na maaaring makilahok ang mga samahan sa komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga mahihinang sektor, pagtuturo at pagbibigay ng impormasyon sa mga botante, pagmamanman sa gastusin sa kampanya, pagbabantay sa pagbibilang ng boto, at pagmamasid sa proseso ng paghahanda, at iba pa.
Samantala, tinalakay ni Propesor Ma. Lourdes Tiquia, nagtatag at CEO ng Publicus Asia, Inc., ang kasalukuyang paglipat sa pamamaraang digital, na dapat isaalang-alang sa mga paparating na kampanya at halalan.
Panghuli, tiniyak ni COMELEC Director James Arthur Jimenez na ang mga alituntunin sa kampanya at mga protokol sa kaligtasan ay mahigpit pa ring ipapatupad. Idinagdag niya na tinitingnan din ng COMELEC ang iba pang mga pamamaraan sa pagboto upang masuportahan ang mga botante na may espesyal na pangangailangan.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home