“Lock-out policy” sa Congress, mahigpit na ipatutupad
Mahigpit na ipapatupad ng Kamara ang “lock-out policy” tatlong araw bago ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa susunod na Linggo.
Sisimulan ang “No Pre-Sona Security Lock-out Stickers, No Entry” at “No Hrep ID, No Entry” mula July 19 hanggang July 21, 2019 kung saan ang mga empleyado ng Mababang Kapulungan at mga non-employees ay hindi papayagang makapasok sa Batasan premises kung wala namang nakatakdang official business na gagawin sa Kamara.
Ang advisory na ito ay bahagi ng Pre-SONA reminders at requirements para matiyak ang kaayusan at seguridad ilang araw bago ang mismong SONA ng Pangulo.
Papayagan lamang na makapasok ang mga empleyado ng Kamara at mga non-employees tulad ng media personnel, caterers, at contractors sa mga araw na ipinapatupad ang lock-out policy kung kasama ang mga pangalan ng mga ito sa isinumite sa Office of the Executive Director, Legislative Security Bureau (LSB).
Ang mga pangalan na isinumite sa mga nabanggit na tanggapan ay hinihiling naman na magdala ng kanilang HREP ID kung empleyado at company ID sa mga non-employees kaakibat na didikitan ito ng mga color-coded stickers sa may North Gate ng Batasan.
Samantala, sa araw ng SONA sa July 22 ay mahigpit na ibinibilin ang pagsusuot ng SONA 2019 ID, paglalagay ng car pass sa mga sasakyan na papasok sa Batasan, parking restrictions at maging ang susuotin sa SONA na business attire para sa mga media na magko-cover at Filipiniana at Barong para sa mga bisita.
<< Home