Saturday, August 03, 2024

 RPPt Spokesman ni Duterte ginisa sa kaugnayan sa POGO


Ginisa ng mga miyembro ng dalawang komite ng Kamara de Representantes si Harry Roque, ang dating spokesman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng iligal na Philippine offshore gambling operations (POGOs).


Si Roque ayn ipinatawag ng House committee on public order and safety na pinamumunuan ni Laguna Rep. Dan Fernandez at committee on games and amusement na pinamumunuan ni Cavite Rep. Antonio Ferrer.


Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel kay Roque na nakaladkad ang kanyang pangalan sa dalawang insidente na may kaugnayan sa iligal na operasyon ng POGO.


Isa sa mga kaso ang raid na isinagawa ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) at iba pang law enforcement agency sa isang bahay sa Benguet kung saan naaresto ang dalawang Chinese national at isang babaeng Chinese na umuupa kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa iligal na sugal.


Ang ikalawa ay ang nadiskubre at ipinasarang POGO hub sa Porac, Pampanga.


Ayon kay Pimentel ang may-ari ng POGO hub ay isang Cassandra Lee Ong, na kliyente ni Roque.


Tinanong ni Pimentel si Roque kung ang dalawang insidente ay sapat upang masabi na siya ay sangkot sa operasyon ng iligal na POGO.


“No, Sir, there is no basis for that,” sabi ni Roque na dati ring kongresista.


Ayon kay Roque siya ay mayroong interes sa korporasyon na siyang may-ari ng bahay sa Benguet kung saan nahuli ang dalawang Chinese. Sinabi nito na hindi niya kilala ang mga naaresto.


Sa POGO hub sa Porac, sinabi ni Roque na siya ay abugado ni Ong na hindi na niya ngayong makontak.


Tinanong din ni Pimentel si PAOCTF chief Undersecretary Gilbert Cruz kung si Roque ay maaari nilang isama bilang suspek sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng operasyon ng iligal na POGO.


Sagot ni Cruz maaaring isama nila si Roque bilang“person of interest, but the other agencies should give us the supporting documents.”


Ayon kay Cruz wala silang kopya ng titulo ng pagmamay-ari ng bahay sa Benguet.


“But you should conduct your own due diligence. You are the investigator,” sabi ni Pimentel kay Cruz.


Hiniling ni Pimentel sa dalawang komite na maglabas ng subpoena laban kay Ong na hindi dumalo sa kabila ng tatlong imbitasyon na ipinadala sa kanya.


Natanong din ni Roque kaugnay ng kanyang tawag at pulong noong nakaraang taon sa mga opisyal ng Pagcor upang makakuha ng gaming license para sa POGO sa Porac na pagmamay-ari ni Ong.


Humingi rin ng tulong ang mga komite sa League of Cities of the Philippines at League of Municipalities of the Philippines upang mahanap at maisara ang 402 iligal na POGO.


Ibinigay ni Fernandez sa dalawang organisasyon ang listahan ng 402 POGO kasama ang mga lokasyon, operator, at incorporator ng mga ito.


“Let us help the PNP (Philippine National Police) close down these POGOs,” ani Fernandez. (END)

Free Counters
Free Counters