Saturday, August 03, 2024

 RPPt Makasaysayang $500M military aid ng US sa PH pinuri sa Kamara


Pinuri ng mga lider ng Kamara de Representantes ang makasaysayang $500 milyong military financing commitment ng Estados Unidos sa Pilipinas na makatutulong sa pagpapalakas ng kakayanang pangdepensa at alyansa ng dalawang bansa.


Sa isang press conference nitong Miyerkoles ipinahayag nina Deputy Speaker at Quezon Rep.

David “Jay-jay” Suarez, Assistant Majority Leader Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., at Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang kanilang papuri sa anunsyo ni U.S. Secretary of State Antony Blinken at Secretary of Defense Lloyd Austin sa isang pulong sa mga opisyal ng Pilipinas sa Malacañang.


Iginiit ni Suarez ang kahalagahan ng pangako ng US lalo at nalalapit na ang presidential election sa Amerika.


Anuman ang maging resulta ng eleksyon, sinabi ni Suarez na palalakasin ng pangakong tulong ang “iron-clad” relationship ng dalawang bansa.


“Ikinatutuwa po natin ito kasi alam na po natin na pagdating ng November magkakaroon ng halalan sa Estados Unidos at hindi naman natin malalaman kung ano ang magiging resulta, kung sino ang mananalo doon sa dalawang maglalaban,” ani Suarez.


“But ang mahalaga dito ay kung anuman ang maging resulta, hindi rin dapat magbago ang posisyon ng Estados Unidos at ng ating bansa,” dagdag pa nito.


Binigyan-diin din ni Suarez ang naging posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at pagprotekta sa soberanya ng bansa sa kanyang State of the Nation Address. 


“This is a welcome development for us because this further shows that the position of the President is also shared by other world leaders pagdating sa soberanya ng ating bansa,” sabi pa ni Suarez.


Ayon pa sa mambabatas ang pangakong pondo ay magpapalakas sa kakayanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa gitna ng tensyon ng WPS.


Sinabi naman ni Dionisio, kinatawan ng unang distrito ng Maynila, isang positive development ang ipinahayag ng mga opisyal ng Amerika.


“Well, ako any addition is positive. So, you know it’s a welcoming thing na magdo-donate ang America ng P29 billion that can really be used to upgrade our capabilities ng WPS team natin, ng Coast Guard at ng Armed Forces,” sabi ni Dionisio.


“It also shows that iyong bond ng Pilipinas at America, like what DS Jay-jay Suarez said, na it’s iron-clad, na there is really a strong bond in relationship between the two countries regardless of who the President is in both countries,” giit ni Dionisio.


Sinabi naman ni Barbers, kinatawan ng ikalawang distrito ng Surigao del Norte na magiging mahalaga ang suportang ito sa PCG.


“Para sa akin naman, isang magandang development ang nangyaring ito. Bakit? Kasi magiging beneficiary dito iyong ating [PCG] and we all know na meron po tayong kakulangan sa ating capabilities ng ating Coast Guard,” paliwanag nito.


“Now that funds will be extended to the Philippine government, that will purposely upgrade the capability of our Coast Guard," sabi pa ni Barbers.


Ang $500 milyong military financing mula sa Amerika ay isang mahalagang pamumuhunan sa defense infrastructure ng Pilipinas na magpapalakas din sa regional security at sovereignty. (END)

Free Counters
Free Counters