RPPt Dating adviser ni Duterte na iniuugnay sa nakumpiskang P3.6B shabu pinaaresto ng Kamara
Pormal nang ipinag-utos ng Kamara de Representantes ang pag-aresto at pagkulong sa dating presidential adviser na si Michael Yang, na kilala rin bilang Hong Ming Yang, matapos na hindi dumalo sa mga pagdinig kaugnay ng nakumpiskang P3.6 bilyong shabu sa isang warehouse sa Mexico, Papanga noong nakaraang taon.
Nilagdaan ni House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco ang contempt order na inilabas ng House Committee on Dangerous Drugs laban kay Yang.
Naisilbi na rin ni House Sergeant-at-Arms, retired Gen. Napoleon “Nap” Taas at kasama nitong team ang arrest order sa Fortun-Law Offices sa 134 CRM Avenue, BF Homes Almanza, Las Piñas City na tumayong abugado ni Yang.
Si Yang, na naging adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay iniuugnay sa isa sa mga incorporator ng Empire 999 Realty Corp., ang may-ari ng warehouse sa Mexico, Pampanga kung saan nasabat ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.
Sa naging pagdinig ng Komite noong Hulyo 10, tinukoy na nilabag ni Yang ang paragraph (a) ng Section 11 ng Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation ng 19th Congress, kaugnay ng hindi pagdalo sa mga pagdinig.
Ipinag utos din ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, na idetine si Yang sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City sa loob ng 30 araw sa ilalim naman ng section 12 ng kaparehong panuntunan.
Sa hiwalay na pulong balitaan, sinabi ni Barbers na nakalabas na ng bansa si Yang batay sa kanilang mga nakuhang impormasyon.
“We were informed na ang subject ng arrest order ay wala na ho rito. ‘Yung last information that we have, he is in Dubai,” ani Barbers.
Makikipag-ugnayan aniya ang komite sa Bureau of Immigration at Department of Foreign Affairs (DFA) upang alertuhin ang ibang mga bansa tungkol sa arrest order na inilabas ng Kamara.
“Itong arrest order na ito, we will have to provide information to the Immigration and DFA so that the DFA and our Immigration can likewise alarm other countries about the arrest order na inisyu dito sa House of Representatives,” paliwanag ni Barbers.
Dagdag pa niya: “So that we will be able to track kung nasaan siya kasi maaaring lumipat-lipat na rin siya. So kapag may alarm, it will now provide us information kung saan nagta-travel ito because he will be using definitely his own passport.”
Inimbitahan si Yang sa pagdinig matapos matukoy na isa sa incorporator na may kaugnayan sa Empire 999 ang dating opisyal ng Pharmally na si Lincoln Ong na kilala rin malapit kay Yang.
Mahalaga sana ani Barbers ang salaysay ni Yang para maisiwalat ang masalimuot na koneksyon ng Empire 999 sa pagpupuslit ng iligal na droga sa bansa.
Sa isa sa mga pagdinig ng komite, kinumpirma ni dating Philippine National Police (PNP) Col. Eduardo Acierto na si Yang at ang Yang na kanyang tinukoy noong 2017 na sangkot sa operasyon ng iligal na gamot ay iisa.
Si Acierto ay dating tauhan ng drug enforcement group ng PNP.
Aniya, binalewala nina dating Pangulong Duterte, dating Special Adviser to the President at ngayon ay Sen. Christopher ‘Bong’ Go at dating PNP chief at ngayon ay Senador ‘Bato’ dela Rosa ang kanyang intelligence report ukol kay Yang.
Inakusahan din nito ang dating pangulo na gusto siyang ipapatay dahil natuklasan nito na si Duterte at Yang ay magkasabwat sa bentahan ng iligal na droga. (END)
<< Home