Tuesday, April 19, 2022

MGA PAGSISIKAP NG PAMAHALAAN NA LABANAN ANG LAGANAP NA PAGPUPUSLIT SA AGRIKULTURA, TINALAKAY NG KOMITE

Nagdaos ng pagdinig ngayong Martes ang Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, hinggil sa pagbabawas ng proseso sa pagsusuri ng mga karne at mga produktong halaman, at mga usapin sa umano’y pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa. 

Layon ng Komite na magkapagbalangkas ng mga panukala o amyendahan ang mga umiiral na batas upang mas lalong mapabuti at maisulong ang lokal na agrikultura, at upang mapangalagaan ang mga kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka. 

Iniulat ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ng Kagawaran ng Aduana, na mula 2019 hanggang Abril 2022, ay nakasamsam ang kagawaran sa 546 operasyon na nagkakahalaga ng P2-bilyon. 

Ang programang anti-smuggling ng kagawaran ay kinabibilangan ng: 1) modernisasyon ng mga proseso ng BOC, 2) pagbili ng mga makabagong kagamitan para sa mabilisang pag scan, 3) maayos na pamamahala ng lahat ng pag scan at mga gawain sa inspeksyon, at 4) magkatuwang na operasyon sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan sa pagkukumpiska. 

Ang mga inisyatibang ito ay naglalayong tugunan ang mga pagsisikip sa mga pantalan at daungan, paunlarin ang kahusayan ng ahensya sa sistema ng pag-aalerto, at ang pagpapahusay ng koleksyon sa buwis. 

Para kay Undersecretary Fermin Adriano ng Kagawaran ng Agrikultura, binanggit niya na sinimulan na ng kanilang kagawaran ang mga gawain na nakatuon sa modernisasyon ng matataas na uri ng mga pananim, at ang pag-alalay sa mga nagtatanim na mapag-aralan ang mga makabagong paraan sa pagpoproseso ng kanilang mga produkto. 

Samantala, pinuri ni Salceda ang BOC sa kanilang tagumpay sa koleksyon ng buwis, ngunit igiinit niya na kinakailangan pang pag-ibayuhin ng kagawaran ang kanilang kahusayan, at mabawasan ang laganap na pagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.


#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
Free Counters
Free Counters