Wednesday, April 20, 2022

LAKBAY-ARAL NG MGA OPISYAL AT STAFF NG BTA, MALUGOD NA TINANGGAP NG KAPULUNGAN

Malugod na tinanggap ngayong Miyerkules sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga opisyal at staff ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), sa kanilang isinasagawang lakbay-aral sa pagbisita sa Kapulungan. 

Ang mga BTA staff ay nasa ilalim ng Office of the Parliament Speaker, at ng Public Information, Publication and Media Relations Division. Kaakibat nila ang Support to Bangsamoro Transition (SUBATRA) ng European Union sa kanilang lakbay-aral. 

Layon ng pagbisita na: 1) mabigyang kaalaman ang mga opisyal at staff ng BTA at SUBATRA sa mga makabagong pamamaraan sa pamamahala ng media relations sa isang highly political environment tulad ng Kapulungan; 2) dagdagan ang kanilang pang-unawa sa paggamit ng media sa iba’t ibang proseso ng pagpapasya, lalo na sa mga gawaing lehislasyon; 3) magtatag ng istratehiyang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan ng Kapulungan, upang mabahagian ng mga teknikal na kaalaman sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin; at 4) madagdagan ang kanilang kaalaman kung papaano isinasagawa ng Kapulungan ang iba’t ibang paraan na may kaugnayan sa pagtanggap at pamamaalam sa mga dayuhang panauhin. 

Ang lakbay-aral ay nagsimula sa pagbisita nila sa Legislative Library, Archives and Museum Building, na sinundan ng pagpupulong sa mga opisyal ng House Press and Public Affairs Bureau (PPAB), na pinamumunuan ni OIC-Executive Director Dr. Celine Marie Buencamino. Ayon kay Buencamino, dahil sa mabilisang kaganapan sa Kapulungan at dahil sa maraming aktibidad tulad ng mga pagdinig sa mga Komite, sesyon sa plenaryo at mga gawaing pang Kapulungan, ay karaniwan nang mga balitang impormasyon ang ipinalalabas ng House media. Pinayuhan niya ang mga dumalong panauhin na ang pinakamainam nilang gawin ay ganap na alamin ang mga lalamanin ng kanilang balita mula sa Bangsamoro. 

“Everything will emanate from there,” aniya. Kasama ni Buencamino ang mga team leaders ng Media Affairs and Public Affairs Service (MAPRS) na sina Rowena Bundang, Joselito Menorca at Lorelei Castillo. 

Matapos nito ay pinulong rin sila ng mga opisyal ng Inter-Parliamentary and Special Affairs Bureau, na pinamumunan ni Executive Director Lourdes Rajini Rye, hinggil sa mga tungkulin ng IPRSAB. 

Ang mga miyembro ng delegasyon mula sa BTA at SUBATRA ay sina Sheila Marie dela Cruz, OIC Chief of the Public Information, Publication and Media Relations Division; Abdul Gani Manalocon, MBA, JD, Director II of the Legislative Technical Affairs and Information Services; Jamaelah Benito-Dimaporo, Administrative Officer IV; at Criselle Capistrano, Project Manager, United Nations Office for Project Services.     


#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
Free Counters
Free Counters