Monday, July 19, 2021

-PANUKALA HINGGIL SA INDUSTRIYA NG PAGPAPAUNLAD NG DOWNSTREAM NATURAL GAS, APRUBADO NA SA KOMITE

Inaprubahan na ng Committee on Energy sa Kamara sa pamumuno ni Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Juan Miguel Macapagal Arroyo ang Substitute Bill sa House Bill 3031, na naglalayong ipag-utos ang pagpapaunlad ng industriya ng downstream natural gas ng Pilipinas at pagsamahin ang layunin ng lahat ng mga batas na nauugnay sa paghahatid, pamamahagi, kabilang ang suplay ng natural gas.

Ang HB 3031 na pangunahing iniakda ni Speaker Lord Allan Velasco, ay unang tinalakay sa Komite noong ika -13 ng Nobyembre 2020, kung saan nilikha ang isang technical working group (TWG) na pinamunuan ng kapwa may akda ng panukala na si Zamboanga Sibugay Rep. Wilter "Sharky" Palma II, para bumuo ng substitute bill.


Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Arroyo na ang substitute bill ay malawak na tinalakay ng dalawang Komite at nagkaroon ng tatlong TWG na pagpulong hinggil sa panukala.


Aniya, lahat ng mga isyu ay masusing tinalakay ng grupo at ang mga ito ay tinugunan na.






Sa kanyang paliwanag sa HB 3031, sinabi naman ni Speaker Velasco na ang industriya ng natural gas ay nagsisimula pa lang na industriya.


“It is vital that we introduce a proper legislative framework that would provide favorable conditions towards a healthy natural gas industry in the country.


This would then in turn lead towards rapid economic development, while respectfully practicing sustainable development towards a brighter future,” ani Speaker.


Babalangkasin sa panukala ang pagpapaunlad ng Downstream Natural Gas Industry at ang paglipat nito mula sa umuusbong hanggang sa maunlad na industriya at makakakumpitensya sa merkado ng ng natural gas, gayundin ang pagtukoy sa mga responsibilidad ng iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor para sa pagsusulong ng pambansang layunin.


Sisiguruhin ng pamahalaan ang ligtas, protektado, maaasahan, malinaw, makumpitensya, at responsable sa kapaligiran pagdating sa operasyon ng Philippine Downstream Natural Gas (PDNGI) value chain.


Isinasaad sa panukala na ang natural gas ay tumutukoy sa “gas obtained from boreholes and wells consisting primarily of a mixture of methane, ethane, propane and butane with small amounts of heavier hydrocarbons and some impurities, consistent with the definition provided in the Philippine National Standard (PNS) or International Organization for Standardization (ISO).”


Lahat ng mga aktibidad ng Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC) at iba pang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na nauugnay sa pagpapaunlad at regulasyon ng PDNGI ay magiging alinsunod sa panukalang “Philippine Downstream Natural Gas Industry Development Act.”


Sa nakaraang pagdinig ng TWG, hiniling ni APEC Part-list Rep. Sergio Dagooc at PHILRECA Party-list Rep. Presley de Jesus na isama sa panukalang batas ang mekanismo na mangangalaga sa mga mamimili na hindi pasanin ang bigat ng mataas na singil ng industriya ng natural gas. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters