-MGA PANUKALANG MAGPAPALIBAN SA UNANG HALALAN SA BARMM, TATALAKAYIN SA KAMARA
Binuo kahapon ng joint Committees on Suffrage and Electoral Reforms, Muslim Affairs at Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity sa Kamara, ang isang technical working group (TWG), na naglalayong pagsama-samahin ang limang panukala na magpapalawig sa transition period ng Bangsamoro, at magpapaliban sa kauna-unahang halalan na nakatakda sa ika-9 ng Mayo, 2022.
Ito ay batay sa House Bill Numbers 8116, 8117, 8161, 8222 at 8277, na naghahangad na amyendahan ang Section 13, Article XVI ng Republic Act 11504 o ang “Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).”
Sa kanyang pambungad na pananalita, ipinahayag ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu, Chairman ng Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity sa Kapulungan, ang kanyang hindi pagsang-ayon sa posisyon ng Commission on Elections (COMELEC), na ang halalan ng BARMM ay maaaring matuloy kahit wala ang Bangsamoro Electoral Code (BEC).
Sinabi ni Mangudadatu na mahalagang bahagi ang BEC sa kauna-unahang BARMM Elections at ang enactment ng BEC ay alinsabay sa diwa ng Bangsamoro Organic Law.
Idinagdag pa ng mambabatas na hindi na kailangan pang sabihin na ang BEC ay susi sa pagpapatupad ng tunay na electoral reforms sa BARMM.
Tiniyak ni BARMM Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, sa magkakasanib na Komite na maipapasa ang batas sa BEC sa loob ng kasalukuyang taon.
Samantala, hindi naman sumang-ayon si Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa mga inihaing panukala.
“I strongly believe that the time has come for the Bangsamoro Transition Authority (BTA) and the BARMM government to face the people directly. They will not be by appointment as was done three years ago; they will not be extended by Congress and have to continue their mandate without the people’s decision in the BARMM area,” ani Rodriguez.
Sa kabilang dako, humingi naman ng paliwanag si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa ilang usapin hinggil sa landas ng normalisasyon ng BTA, lalo na ang pagdede-komisyon ng mga kawal-mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kabilang na ang presensya ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa BARMM, upang tiyakin ang seguridad sa lugar.
Pamumunuan ni Mangudadatu ang TWG upang pagsama-samahin ang limang panukala.
Ang pagdinig ay magkasanib na pinangunahan nina Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer, Chairperson ng Komite ng Suffrage and Electoral Reforms; Lanao del Sur Rep. Ansaruddin Abdul Malik Adiong, Chairman ng Komite ng Muslim Affairs; at Mangudadatu.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home