Huwag munang buwisan ang mga online sellers, apela ng isang solon sa gobyerno
Umapela si ACT-CIS Partylist Rep Eric Go Yap sa pamahalaan na huwag munang buwisan ang mga online sellers at mga kumikita ng maliit.
Ang pakuusap ni Yap ay bunsod na rin ng patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic na dinaranas ngayon ng bansa.
Sinabi ni Yap, chairman ng House Committee on Appropriations, na bagamat kailangang-kailangan pa ng gobyerno ng pondo, dapat munang pag-aralan ng mabuti ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang plano dahil marami ang maaapektuhan lalo na ang mga maliliit na nagbebenta ng mga gamit o pagkain sa internet.
Ayon sa kanya, dapat linawin ng DOF at BIR kung sino ang mga dapat magbayad ng buwis at sino ang hindi at kung ito ba ay depende sa kung magkano ang kanyang kinikita.
Aminado ang mambabatas na walang kapera-pera ang gobyerno ngayon at kailangan nito ng pagkukunan ng pondo para pansweldo sa mga kawani ng pamahalaan, pondo para sa mga proyekto at operating expenses sa susunod na taon.
Ang dapat umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang malalaking malls, supermarkets, restaurants, boutiques, at iba pang tindahan na nasa online business na rin ngayon na milyon-milyon ang kinikita sa isang buwan.
<< Home