Tuesday, March 03, 2020

Makaka-upo lang si Velasco “kung yan talaga ang gusto ni Pangulong Duterte,” ayon kay Speaker Cayetano

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na makaka-upo lamang bilang Speaker si Marinduque Rep Lord Allan Velasco "kung yan talaga ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte."

Ayon kay Cayetano, walang dapat ikatakot si Velasco kung sakaling hindi siya maging speaker dahil makukuha raw nito ang pwesto kung nanaisin ito ng Pangulo na tumatayo ring lider ng kanilang coalition.

Matatandaang sina Cayetano at Velasco ay kasama sa 1521 term sharing agreement sa pwesto bilang Speaker na nabuo noon matapos nilang hingin ang basbas ng Pangulo.

Kung matutuloy ang kasunduan, matatapos ang termino ni Cayetano bilang Speaker sa mga huling araw ng Oktubre para makaupo sa pwesto si Velasco bilang lider ng Kamara sa unang linggo ng Nobyembre na siya namang budget season sa kongreso.

Samantala, hinamon naman ni Cayetano si Velasco na sabihin, "on the record," na silang dalawa lamang ang magpapalitan ng pwesto bilang Speaker at hindi gagalawin at mananatili sa kani-kanilang posisyon ang mga committee chairman.

Ayon kay Cayetano, mawawalan daw ng suporta si Velasco kung kakasa ito sa kaniyang hamon.
Free Counters
Free Counters