Wednesday, February 05, 2020

Di pagdalo ni Secretary Duque sa hearing tungkol sa paghahanda ng mga ahensiya para sa coronavirus, sinita ni Re Biazon

Kinuwestiyon ni Muntinlupa Rep Rozzano Rufino Biazon ang hindi pagdalo ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa pagdinig tungkol sa paghahanda ng ahensya at ng mga LGUs sa 2019-novel corona virus - acute respiratory disease (2019 NCoV-ARD). 

Sa briefing na isinagawa ng House Committee on Metro Manila Development sa paghahanda sa NCOV, mga kinatawan mula sa DOH at mga kinatawan din mula sa mga LGUs ang humarap sa pagdinig. 

Sinabi ni Biazon na narinig niya sa radyo na papunta ngayon sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija si Duque para inspeksyunin ang containment facility para sa mga posibleng carrier ng virus. 

Napuna pa ng kongresista na kahapon sa pagdinig sa Senado ay sinabi mismo ni Duque na hindi siya dapat asahan sa trabaho ng mga nasa baba. 

Ipinapakita lamang aniya sa mga sinasabi at aksyon ng Kalihim kung ano talaga ang ipinaprayoridad nito. 

Iginiit pa ni Biazon na dapat nasa hearing si Duque dahil posibleng may mga katanungan ang mga mambabatas na hindi naman masasagot ng kanyang mga kinatawan. 

Hindi aniya rin ito makakatulong sa pagpapataas ng kumpyansa ng publiko. 

Hiniling ng kongresista na iparating kay Sec Duque ang mensahe ng Kamara na ayusin nito ang kanyang mga priorities.
Free Counters
Free Counters