Appointment ni Vice President Robredo sa Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD), magandang pagkakataon ayon sa isang mambabatas
Iginiit ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na ang pagkakatalaga kay Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) ay magandang pagkakataon para makatulong sa war on drugs ng pamahalaan.
Dahil sa official appointment ni Robredo, umaasa si Barbers na matutuldukan na ang mga kritisismo ng kampo ng pangalawang pangulo sa kampanya kontra ng droga ng pamahalaan.
Aniya, dahil din sa appointment ni Robredo ay personal na nitong masasaksihan ang tunay na istorya at sitwasyon ng illegal drug activities dahil sa first hand information na ang makukuha nito.
Ito narin aniya ang panahon para magpatupad ang Bise Presidente ng mga solusyon para mapagbuti pa kampanyang ito ng gobyerno.
Pinayuhan din nito si Robredo na isantabi na ang pulitika at makipagtulungan na lamang sa pamahalaan.
Tiwala naman si Barbers na sapat na ang anim na buwan para magawa ni VP Robredo ang kaniyang tungkulin sa war on drugs at makapagpalabas ito ng mga rekomendasyon sa kung papaano masusugpo ang talamak na problema ng iligal na droga sa bansa.
Matatandaan na binatikos ni VP Robredo ang war on drugs ng pamahalaan dahil sa libong-libong casualty ng kampanya at iminungkahi na idaan nalamang sa health-based approach ang pagtugon sa problema ng iligal na droga.
<< Home