Evaluation at retrofitting ng mga istruktura sa buong bansa, iginiit ng lider ng Kamara
Kasunod ng magkakasunod na malalakas na lindol na yumanig sa Mindanao ay hinimok ni Deputy Speaker Loren Legarda ang gobyerno na magsagawa ng evaluation at retrofitting sa lahat ng tulay, kalsada, ospital at school buildings sa buong bansa.
Ayon kay Legarda, kailangang matiyak na earthquake-proof ang mga ito para maiwasan ang mas matinding sakuna kapag may lindol.
Muling nanawagan ang kongresista ng kahandaan sa lindol lalo’t hindi nalalaman kung kailan ito tatama.
Binanggit pa ng mambabatas na ngayong taon lamang ay ilang malalakas na lindol na ang tumama sa iba’t ibang lugar kabilang ang magnitude 6.1 sa Castillejos, Zambales noong Abril; magnitude 6.5 sa Eastern Samar; magnitudes 5.4 at 5.9 sa Itbayat, Batanes; at ngayon naman ay sa Mindanao.
Ipinaalala rin ni Legarda ang babala tungkol sa posibleng pagtama ng The Big One sa Metro Manila.
Kaya naman binigyang diin nito ang kahalagahan ng regular na pagsasagawa ng safety drills; paglalagay ng early warning system para sa lindol at tsunami; pagtukoy sa mga ligtas na open spaces, at pagkakaroon ng evacuation plan sa bawat barangay.
<< Home