Thursday, August 08, 2024

 Hajji Malaking hamon pa rin para sa energy sector ng bansa ang pagpapailaw ng mga tirahan sa iba't ibang bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao.


Sa budget briefing ng Department of Energy at attached agencies nito sa Kamara ngayong araw, ibinida nito na umabot na sa 26 million households ang may kuryente na katumbas ng 93.12 percent.


Ngunit nasa 1.1 million households mula sa Mindanao ang wala pang serbisyo ng kuryente, bagama't mahigit walumpung porsyento na ang napailawan.


Aminado rin ang National Electrification Administration na hirap silang tustusan ang pagpapailaw ng mga lugar sa ilalim ng Sitio Electrification Projects o SEP dahil sa kakulangan sa government subsidy.


23.7 billion pesos ang hiniling na budget ng NEA sa Department of Budget and Management ngunit 5.2 billion pesos lamang ang inaprubahan sa National Expenditure Program.


Nasa 1.66 billion pesos naman ang inilaan para sa Strategized Rural Electrification kaya 594 sitios lamang ang maseserbisyuhan ng kuryente mula sa orihinal na target na 3,135 sitios sa susunod na taon.


Bagama't marami pang kailangang gawin, kumpiyansa pa rin si Energy Secretary Raphael Lotilla na maisusulong ang mga nakapaloob na polisiya at programa sa Philippine Energy Plan 2023-2050 tungo sa transition sa renewable energy.

Free Counters
Free Counters