RPPt Rep Chua kay VP Sara: Nasaan ka kapag kailangan ka ng bayan?
Pinagpapaliwanag ni Manila Rep. Joel Chua si Vice President Sara Duterte kung bakit siya nawawala at nananahimik kung kailan siya ay kailangan ng bansa gaya ng mga panahon na ginigipit at inaapi ng Chinese Coast Guard ang mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Chua na hindi maikakaila na umiiwas ang Bise Presidente sa mga isyu na may kaugnayan sa pangangamkam na ginagawa ng China sa teritoryo ng Pilipinas. Ang ama ng Ikalawang Pangulo na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kilala umanong malapit sa China.
“Nasaan siya noong binubutas ng China Coast Guard ang rubber boats ng mga Pinoy at sinasagasaan sa dagat ang fishing boats ng ating mga mangingisda?” tanong ng mambabatas mula sa Maynila.
Binigyan diin pa ni Chua na bilang Bise Presidente ay dapat lamang na maka-Pilipino ito at hindi nananahimik a ginagawang pagmamalabis ng China sa mga Pilipino
“Maka-Pilipino dapat, hindi yung nananahimik kapag China na ang isyu,” sabi pa nito.
Dagdag pa ni Chua: “Nasaan siya noong parating na ang Typhoon Carina, noong pumutok ang Mount Kanlaon, noong may bombang sumabog sa Mindanao State University, noong tinutuyot ng El Niño ang mga palayan? Nasaan siya noong kailangan siya ng mga Pilipinong sabi niya'y mahal niya?”
Sa kasagsagan ng super typhoon Carina kamakailan, si VP Duterte kasama ang kaniyang pamilya ay lumipad patungong Munich, Germany para magbakasyon.
Ayon kay Chua idinadaan ni VP Duterte sa paandar, pakwela at mag-selfie para pagtakpan ang kanyang kakulangan sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin.
“Magaling lang siya sa matatamis na salita at talinhaga. Pero kapag tanungin na ng mga detalye puro iwas, puro pagpapatawa, puro drama pero kapos sa matinong paliwanag. Kapag tinimbang, laging kulang,” ayon pa sa mambabatas.
“Nasaan ang kanyang marka sa pamamahala bilang Bise Presidente? Ipakita niya kung siya mismo bilang VP ay may ginawa para magka-trabaho ang mga Pilipino, lumago ang MSMEs, sumagip ng buhay sa pamamagitan ng health care,” saad pa nito.
Sinabi ni Chua na ipinapakilala ni VP Duterte ang sarili nito bilang isang kampeon ng masa gamit ang mga ampaw na salita at pangkalahatang pahayag, habang wala namang tunay at konkretong resulta na maipakita bilang Pangalawang Pangulo at noong siya pa ang kalihim ng Department of Education.
Ayon kay Chua siya at ang kanyang mga kapwa kongresista ay tatayo upang talakayin ang malaking gastos ng tanggapan ni VP Duterte sa nakalipas na mga taon.
“Siya ba'y komedyante, panay selfie, feeling artista, pero wala namang aktuwal na ginagawa? Patunayan niya sa Kongreso kung anong ginawa niya sa budget niya noong 2022, 2023, at ngayong 2024,” ayon pa kay Chua.
“When the OVP budget is tackled soon at the House, she should no longer be given a free pass. Her OVP budget must be scrutinized for every spent and not spent. No more and never again shall the VP not be held to the same level of scrutiny as other public officials during the budget hearings,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ng mambabatas na dapat ipaliwanag ni Duterte kung saan ginastos ang bawat piso mula sa badyet ng OVP.
Ang OVP ay may P702 milyong pondo noong 2022 sa ilalim noon ay VP Leni Robredo.
Sa ilalim ni VP Duterte lumobo umano ang budget ng tanggapan sa P2.343 bilyon noong 2023 at P1.874 bilyon ngayong taon. (END)
<< Home