Saturday, August 03, 2024

 Hajji Kinumpirma ni House Majority Leader Mannix Dalipe na sisimulan na ang budget briefings para sa 2025 National Expenditure Program sa susunod na linggo.


Sa pulong balitaan sa Kamara ngayong araw, sinabi ni Dalipe agad na ikakasa ng House Appropriations Committee ang briefing at uunahin ang Development Budget Coordination Committee o DBCC.


Inaasahan ang pagdalo rito ng Department of Budget and Management, Finance Secretary at iba pang ahensyang may mandato sa pagbuo ng budget.


Ipinaliwanag nito na hindi na iaantala ng Kamara ang proseso at handa na silang busisiin ang panukalang pambansang budget.


Pagtitiyak ng House leader, gagawin nila ang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas bilang "power of the purse" lalo't suportado rin ng mga kongresista ang pahayag ni Speaker Martin Romualdez na kailangan ang mas maraming trabaho, de-kalidad na edukasyon at healthcare.


Dagdag pa ni Dalipe, bagama't malaking hamon ang budget process ay tinatrabaho nila na maaprubahan ang General Appropriations Bill sa Mababang Kapulungan sa ikatlo o ikaapat na linggo ng Setyembre.


Kailangan aniya nilang mai-transmit ang GAB sa Senado bago ang break sa Oktubre dahil kailangan itong talakayin ng mga senador at upang sa pagbabalik ng sesyon ay handa nang pagdebatehan sa kanilang plenaryo.

Free Counters
Free Counters