MUNGKAHING SUSPINDIHIN ANG EXCISE TAX SA LANGIS, TINALAKAY NG KOMITE NG ENERHIYA
Kaagad na tumugon ngayong Huwebes ang Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Deputy Majority Leader Juan Miguel Macapagal Arroyo, sa panawagan ng Department of Energy (DOE), na isaalang-alang ang pagbibigay ng awtoridad sa ahensya na suspindihin ang excise tax sa langis.
Nagsagawa ng pagpupulong ang Komite hinggil sa implikasyon ng iminungkahing suspensiyon, gayundin ang pagsusuri sa mga probisyon ng Republic Act 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.
Ayon kay Arroyo ang panukala ay makakaapekto sa revenue generation ng bansa, kaya kailangang kumonsulta sa Department of Finance (DOF).
Sa layuning maibsan ang mga pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, iniharap ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad ang rekomendasyon ng ahensya, na amyendahan ang Section 43 ng RA 10963 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na payagan ang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
Tinalakay din ni Abad ang mga iminungkahing pag-amyenda ng DOE sa RA 8479, na binubuo ng 1) pagdaragdag ng seguridad ng probisyon ng suplay at 2) pag-uutos sa mga kompanya ng langis na magsumite ng hindi pinagsama-samang lingguhang pagsasaayos ng presyo at pump price.
Binigyang-diin ni DOE Secretary Alfonso Cusi na hindi ito para sa DOE, kungdi para sa mamamayang Pilipino, na patuloy na nahihirapan sa pananalapi sa panahon ng pandemya.
Samantala, tinutulan naman ni DOF Strategy, Economics, at Results Group Director Euvimil Nina Asuncion ang panukalang pagsuspinde sa excise tax, at sinabing makakasama ito sa pagbangon ng ekonomiya at pangmatagalang paglago ng bansa.
Para kay Asuncion “better and more equitable” na solusyon ay ang pagpapatupad ng mabilis, at naka-target na suporta sa mga mahihinang sektor. Aniya ang Development Budget Coordination Committee (DBCC), sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay gumagawa na ng cash subsidy program para sa mga driver ng public utility vehicle na aabot sa P1 bilyon.
Bago matapos ang pagpupulong, hinimok ni Arroyo ang DOE at ang DOF na ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa isa't isa, para magkaroon ng patas na kasunduan, kung saan ang mga mamimili at ang ekonomiya ay hindi magdurusa nang labis. Tiniyak niya na susuportahan ng Komite ang panukalang sinang-ayunan ng dalawang ahensya.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home