Wednesday, October 27, 2021

IMBESTIGASYON HINGGIL SA PAGBABA NG MGA PRESYO NG PALAY, SINIMULAN NG KOMITE

Sinimulan ngayong Martes ng Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, ang deliberasyon sa dalawang resolusyon na naglalayong imbestigahan ang pagbaba ng presyo ng palay.


Ang House Resolution 6 na inihain ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing ay nananawagan ng imbestigasyon, bilang ayuda sa lehislasyon, sa bumabagsak na presyo ng palay.


Gayundin, ang HR 320 na inihain ni Deputy Speaker Evelina Escudero ay nananawagan ng pagsisiyasat, bilang ayuda sa lehislasyon, sa kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka lalo na sa pagtatanim, pagbebenta, at pagpepresyo ng palay.


Ang parehong panukala ay naglalayong magmungkahi ng mga panukalang batas, na magpapagaan sa pasanin ng mga magsasaka ng palay sa bansa.


Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Enverga na sisiyasatin ng Komite ang bumabagsak na presyo ng palay. 


Aniya, batay sa mga ulat noong huling bahagi ng Setyembre, bumaba ang presyo ng palay hanggang ₱10/kg sa Oriental Mindoro, habang ₱12 hanggang ₱14/kg sa Nueva Ecija, Isabela, Camarines Sur at Ilocos Norte.


“This is a precarious situation. We don’t want our farmers to stop planting. It will be best if we address the factors that caused the drop of palay prices,” ani Enverga.


Sa pagtalakay naman tungkol sa pag-aangkat ng bigas, sinabi ni Department of Agriculture Bureau of Plant Industry (DA BPI) Director George Culaste na pinangangasiwaan ng BPI ang pagpapalabas ng sanitary at phytosanitary import clearance (SPSIC) para dito, sa paraang hindi magkakasabay ang pagdating ng mga inangkat na bigas sa panahon ng lokal na pag-aani ng mga magsasaka.


Samantala, iniugnay ni Raul Montemayor ng Federation of the Free Farmers Cooperatives, Inc. (FFFCI), ang mga sanhi ng pagbaba ng presyo ng palay sa pagtaas ng mura at mababang halaga ng mga inangkat, maulan na panahon, at kakulangan ng mga pasilidad pagkatapos ng anihan, at iba pa.


Sa kanyang pagbubuod, ipinahayag ni Suansing na kailangan nilang: 1) subaybayan ang pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), dahil makakatulong itong mabawasan ang gastos sa produksyon, 2) isaalang-alang ang oras sa pamamahagi ng mga binhi, at 3) buuin ang mga magsasaka bilang kooperatiba, upang maging kuwalipikado silang tumanggap ng mga makinarya sa sakahan.


Ipagpapatuloy ng Komite ang imbestigasyon sa susunod na pagdinig.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters