Wednesday, September 02, 2020

-Malaking pagkakautang ng iilang kumpaya ng langis, nabulgar

Ipinagpatuloy ng Committee on Ways and Means sa Kamara na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda ang pagtalakay sa mga transaksyon sa mga nagmamantine ng bodega ng Customs Bonded Warehouse (CBW).


Iprinisinta ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing sa Komite ang ilan sa kanilang mga nadiskubre sa kanilang pagrerepaso sa mga transaksyon ng Petrotrade Philippines, Inc. at Chevron na parehong pribadong CBWs na pinayagang mag-angkat, tumanggap at mag-imbak ng mga kalakal para sa lokal na negosyo.


Ayon sa ulat, ang dalawang kompanya ay nag-aangkat ng mga kalakal nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis tulad ng Value Added Tax (VAT) at Excise Taxes.


Ang Petrotrade umano ay may pagkakautang sa pamahalaan ng P386 Milyon sa VAT at P27 Milyon sa Excise tax mula 2015 hanggang 2019.


Samantala, ang Chevron naman ay tinatayang may pagkakautang sa pamahalaan na P5.092 Bilyon sa VAT at P6.6 Bilyon sa Excise Tax.


Ilan pa sa mga nadiskubreng pagkukulang ay sa pagitan ng Single Administrative Document at ulat ng pagsasara sa wastong halaga na ibinayad sa Excise Tax at sa idineklarang Excise Tax na nakasaad sa SAD, kasama ang usapin ng 17 mlyong litro ng petrolyo na nawawala dahil sa magkaibang ulat sa pag-aangkat at sa pagluluwas ng kanilang produkto.


Sinabi ni Suansing, Senior Vice Chairperson ng Komite, na wala umanong opisyal na dokumento na magpapatunay na pinahihintulutan o lisensyado para magtatag o magsagawa ng CBW ang mga nasabing kompanya.


Samantala, iminungkahi naman at inaprubahan sa Komite ang pag-amyenda sa House Bill 826 o “Overseas Filipino Workers (OFW) Remittance Protection Act” na iniakda ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales na naglalayong bigyan ng 50 porsyentong diskwento ang bayad sa pagpapadala ng pera sa lahat ng financial at non-bank financial intermediaries.

Free Counters
Free Counters