-Lumalala na naman ang patayan sa bansa, ayon sa isang mambabatas
Pinaiigting pa ni ACT-CIS Partylist Rep Eric Yap ang pagbabantay at pagpapatrulya ng Philippine National Police (PNP) sa mga lansangan matapos ang tila sunud-sunod na patayan sa bansa nitong mga nakalipas na araw.
Sinabi ni Yap na base sa mga CCTV footages, tila hindi na natatakot ang mga kriminal na pumatay kahit in broad daylight.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang pagbaril at pagpatay ng isang armadong lalaki na naka-motorsiklo kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga sa loob ng kanyang sasakyan sa Mandaluyong City kamakailan.
At nitong Sabado lamang aniya ay natagpuan ding patay ang dinukot na si Adrian Ramos sa Bay, Laguna.
Si Ramos ay pamangkin ni Meyah Amatorio na kasintahan ng pinatay na lady driver na si Jang Lucero.
Sabay na dinukot ng mga armadong kalalakihan sina Ramos at Amatorio sa Laguna ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan si Amatorio.
Si Lucero naman ay tadtad ng saksak nang matagpuan sa kanyang sasakyan noong nakaraang buwan.
Ani Yap sa PNP, huwag lang yung walang face mask at lumalabag sa social distancing ang bantayan ng mga pulis kundi hanapin din nila itong mga kriminal.
<< Home