Tugon sa ulat na 70,000 grade school pupils sa Bicol na hindi nakakapag-basa, panukalang Comprehensive Educational Reform
Nanawagan si Albay Rep Joey Salceda para sa agarang pagpapasa ng nasa apat na panukalang batas na bahagi ng kanyang Comprehensive Education Reform Agenda.
Ito ang tugon ng mambabatas sa ulat ng DEPED na nasa 70,000 na grade-school pupils mula Bicol ang hindi nakakapag-basa.
Ayon kay Salceda, maituturing na isang “economic ticking time bomb” ang naturang problema.
Paliwanag niya kung ang rate ng latent illiteracy ay magkaka-halintulad sa lahat ng rehiyon, nasa 2 percent ng national income kada taon ang mawawala sa bansa oras na magsimulang magtrabaho ang mga mag-aaral na ito.
Kabilang sa Comprehensive Education Reform Agenda ni Salceda ang HB06231 (Teacher Empowerment Act), HB06247 (K to 12 Reform Act) at HB06287 (Meister Schools Act).
Isinusulong din ni Salceda ang pagsasabatas ng HH06295 o Universal Free School Meals Program dahil mas matututo aniya ang mga estudyante kapag busog ang mga ito habang nasa paaralan.
Bukod dito, nakatakda ring maghain ng panukala ang mambabatas para sa pagkakaroon ng remedial at after-school programs.
Kumpiyansa si Salceda na mayroon pang sapat na panahon upang maihain ang lahat ng panukala para sa CERA bago matapos ang buwan.
<< Home