Velasco: Walang katutuhanan ang “coup plan” para palitan ang kasalukuyang liderato ng Kamara
Pinabulaanan ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco na mayroong “coup plan” para palitan ang kasalukuyang liderato ng Kamara.
Sinabi ni Velasco na walang katotohanan ang isyu at sinisira lamang nito ang camaraderie o ang samahan ng mga kongresista at naglilikha lamang ito ng dibisyon sa mababang kapulungan para tuparin ang lagislative agenda ng administrasyon.
Ayon sa kanya, kinikilala nito ang term sharing agreement sa pagitan nila ni House Speaker Alan Peter Cayetano at ni kailanman ay hindi sumagi sa isip nito na buwagin ang kasunduan.
Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nagpanukala sa term sharing agreement kung saan si Cayetano ang unang uupo bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress habang si Velasco ang tatapos sa natitirang termino at ibinigay ang House Majority Leader post kay Leyte Rep Martin Romualdez.
Sa huli, hinikayat ni Velasco ang mga kapwa niyang mga mambabatas na ipagpatuloy lamang ang kanilang mandato sa bayan sa halip na maniwala sa mga haka-haka.
<< Home