Biazon: Pagbabago sa stratehiya ng pamahalaan sa war on drugs, iminungkahi at ibaling na lamang ang atensiyon nito sa paglilinis sa hanay ng law enforcement
Naniniwala si Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon na panahon na para baguhin ng administrasyon ang stratehiya nito sa war on drugs at ibaling na ang atensyon sa paglilinis sa hanay ng law enforcement.
Kasunod ito ng ibinunyag ni dating CIDG Chief Benjamin Magalong sa Senate hearing na may mga ranking PNP officials na sangkot sa pagre-recycle ng ilegal na droga na nakukumpiska sa mga lehitimong operasyon.
Hiniling ni Biazon na ibalik ng Department of Budget and Management ang tinapyas na pondo ng PDEA para magamit ang 1.545 billion pesos sa hiring, training at pagbili ng equipment na kailangan ng isanlibong drug enforcement officers.
Bukod pa ito sa karagdagang x-rays at drug detection scanners na magpapaigting sa kakayahan ng ahensya na gawin ang mandato nito.
Paliwanag ng kongresista, para masawata ang problema sa tinaguriang ninja cops at iba pang enforcers na sangkot sa negosyo ng ilegal na droga ay kailangang bumuo ng puwersa na sumailalim sa masusing pagsasanay at kumpleto sa gamit.
Nakakalungkot aniya na sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno na masugpo ang droga sa bansa ay nasasayang ang resources dahil sa mga tiwaling law enforcers na nilalason ang lipunan sa pamamagitan ng pagbebenta ng recycled na droga.
Ang ginawa ring pag-amin ni PDEA Director General Aaron Aquino ay patunay umano na totoo ang haka-haka na talamak na ang criminal activities ng mga law enforcement personnel na lalong nagpapakumbinsi sa karamihan na palpak ang war on drugs.
<< Home