Friday, August 23, 2024

 RPPt Roque mahaharap sa parusa kung muling magsisinungaling



Mahaharap sa mas mabigat na parusa si dating Presidential spokesperson Harry Roque kung muli itong gagawa ng “contemptible” acts gaya ng pagsisinungaling, ayon sa mga lider ng quad committee ng Kamara de Representantes.


Ipinag-utos ng quad committee ang pagkulong kay Roque ng 24 na oras mula noong gabi ng Agosto 22 matapos mapatunayan ng komite na wala itong hearing na dinaluhan sa Manila Regional Trial Court, na kanyang idinahilan kaya hindi pumunta sa pagdinig sa Bacolor Pampanga noong Agosto 16.


Sa isang Zoom interview nitong Biyernes, sinabi ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng quad committee, na handa ang komite na patawan ng mas mabigay na parusa si Roque kung muli itong gagawa ng contemptible act.


“Yes, ‘yan ang patutunguhan kapag may bagong contemptible act si Harry Roque, and we will have to ask members of the quad comm, including the co-chairs, kung ano ang desisyon diyan. We will decide when that happens,” sabi ni Barbers.


Sa pagdinig ng quad committee noong Huwebes, sinabi ni Roque na inakala nito na Huwebes, Agosto 15, ang pagdinig ng komite sa Bacolor, Pampanga at huli na umano ng malaman nito na Biyernes pala ito gagawin.


Totoo umano na mayroon itong mga dinaluhang hearing sa Manila RTC noong Agosto 15.


Sinabi ni Barbers na hindi naniwala ang mga miyembro ng quad committee sa paliwanag ni Roque na isa itong “honest mistake” kaya siya ay na-cite in contempt at pinarusahan na makulong ng 24 oras.


“Base sa appreciation namin sa kanyang paliwanag at sulat, kami ay hindi naniniwala sa kanyang sinabi na honest mistake ‘yun, kaya nga nagkaroon kami sa punto na pagbotohan. Unanimously, ang desisyon ay hindi naniniwala,” paliwanag ni Barbers. 


“Alam na alam ni Atty. Roque na ang schedule ng hearing ay August 16, at ‘yan ay pinatunayan ng kanyang sulat sa komite, na inamin niya na hindi siya pupwede sa August 16 dahil siya ay may hearing na gagawin,” dagdag pa nito.


Iginiit ni Barbers ang kahalagahan ng pagiging patas at consistency sa mga aksyon ng komite.


“Ganoon ba kadaling magdahilan sa komite at dapat bang pagbigyan ng komite ang ganoong pagrarason? Marami po tayong na-contempt na hindi lamang nagsinungaling kundi nag-violate ng rule,” sabi pa ni Barbers.


Dagdag pa nito, “Kung tayo ay hindi naging patas sa pagpataw ng penalty sa nagkaroon ng violation sa ating komite, ang ating komite ay hindi paniniwalaan. Kaya kami po ay nanindigan. We stood up, we were firm and we were consistent with our decision to cite him in contempt.”


Nagpahayag naman  ng disappointment si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, isa ring lider ng quad-committee, sa kabiguan ni Roque na makipag-ugnayan man lang sa komite matapos malaman na mali ang kanyang akala na Huwebes ang pagdinig.


“Binigyan natin siya (Roque) ng pagkakataon. Sabi ko nga sa kanya, we had a lot of friends sa Kongreso. We are just a phone away. Ano ba naman iyong one of us, kasamahan namin siya sa Kongreso, ano ba naman ‘yung tinawagan kami at sinabi niya ang kanyang excuse, and we will accept,” sabi ni Fernandez.


“Kung hindi ka gagawa ng paraan to relay your excuses, then our perception ng members ay binabalewala mo ang hearing,” punto pa ni Fernandez. “That will be [unfair] to others, kasi ‘yung ibang resource persons na hindi uma-attend, they’re trying their best to make excuses and letters saying hindi sila available at the time.”


Nagbigay din ng babala si Fernandez, chairman ng Committee on Public Order and Safety, sa iba pang resource person kaugnay ng paglabag sa Rules ng Kamara.


“May this be a warning to all resource persons we invite—don’t make false excuses because we mean business, because national security is at stake. We hope that everybody we will invite as resource persons will be cooperating,” sabi nito.


Si Roque ay naiugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na kabilang sa iniimbestigahan ng quad committee kasama ang isyu ng bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings sa war on drug campaign ng nakaraang administrasyon. (END)

Free Counters
Free Counters