Hajji Tiwala ang Bangko Sentral ng Pilipinas na patuloy na huhupa ang inflation o galaw ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa susunod na taon.
Sa pag-arangkada ng budget briefings sa Kamara ngayong araw, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na ang average inflation sa 2025 ay nakikitang maglalaro sa 2 hanggang 4 percent.
Mananatili aniya ang "downward trajectory" lalo't ipinatupad ng gobyerno ang Executive Order Number 62 na layong tapyasan ang rice import tariffs.
Paliwanag ni Remolona, malaki ang maitutulong ng mas mababang taripa sa rice imports dahil malaking bahagi ng naitatalang inflation rate ay nagmumula sa presyo ng bigas.
Sa katunayan, naapektuhan umano ng "supply shocks" ang presyo ng bigas at naging pantay-pantay sana ang kontribusyon sa inflation kung demand lang ang pag-uusapan.
Gayunman, hindi inaalis ng economic managers ang mga banta gaya ng mas mataas na domestic prices ng food items maliban sa bigas, mas mataas na transport charges at singil sa kuryente.
Upang makontrol ito, patuloy namang pagbubutihin ng pamahalaan ang food supply initiatives sa pamamagitan ng tariff modification, importation measures at pagpapalakas sa agriculture productivity.
<< Home