Sunday, June 07, 2020

Palabasin na ang mga senior citizen upang makapaghanapbuhay

Nanawagan si Senior Citizen Partylist Rep Francisco Datol. Jr. sa pamahalaan na payagang makapagtrabaho ang mga healthy senior citizens o dili kaya ay makalabas man lamang ng bahay ang mga ito.
Sa inihaing House Resolution 931 at House Resolution 950, ni Datol, kasalukuyang chairman ng House Committee on Senior Citizen, ang panawagang ito ay nakalahad, bilang mga hakbang habang may pandemic.
Ang panawagang ito ng kongresista ay para sa IATF kontra COVID-19 para payagang lumabas ng kani-kanilang tahanan ang mga senior citizen na wala namang underlying medical conditions na nagpapataas ng panganib na mahawahan ng kumakalat na coronavirus.
Ayon sa kanya, hindi naman kasi lahat ng seniors ay mahina ang kalusugan o mayroong sakit sa puso, diabetes, or immunity compromised. 
Maraming senior ang very healthy naman umano kahit tumanda na kung kayat dapat payagan naman sana sila lumabas sa mga kasalukuyang quarantine levels.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na kapag hindi na pinapalabas ang mga senior citizen ay ‘di man sila aniya mamatay sa COVID-19 ay mamamatay naman sila dahil hindi sila nakakapag-hanapbuhay o dahil sa kalungkutan sa kanilang mga tahanan.
Unang inihain ni Datol ang HR 931 patungkol sa pagpapayag sa healthy seniors na lumabas ng bahay kung saan, layunin nito na imbestigahan ng angkop na komite ng Kamara ang pagpapatupad ng quarantine measures.
Ang ikalawang resolusyon, HR 950 ay tungkol naman sa pag-postpone na pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan hanggang wala pang aprubadong bakuna para sa tao sa Pilipinas.
Free Counters
Free Counters