Friday, September 26, 2008

Mga mamayan, puwede nang lumahok sa pagsasabatas

Inirekomenda ng House Committee on People’s Participation ang agarang pagpasa ng pinag-isang panukala na magbibigay pahintulot sa mga non-government organizations (NGOs) at people’s organizations (POs) na dumalo at lumahok sa mga pagdinig ng Kongreso sa mga mahahalagang batas lalu na sa deliberasyon ng taunang pambansang pondo ng pamahalaan.

Isinumite na ng naturang komite ang ulat hinggil sa nabanggit na paksa na nakapaloob sa People’s Participation in Budget Deliberations Act sa HB04735, HB04959 at HB04977 nina Partylist Rep Guillermo Cua, Davao Oriental Rep Thelma Almario, Bukidnon Rep Teofisto Guingona III, Quezon Rep Lorenzo Tanada III, Ifugao rep Solomon Chungalao, Agusan del Norte Rep Edelmiro Amante, Kalinga Rep Manuel Agyao, Cebu Reps Nerissa Corazon Soon-Ruiz at Benhur Salimbangon.

Sinabi ni Rep Amante, isa sa mga principal na may-akda ng panukala, na layunin nilang hikayatin ang mga mamamayang maging katuwang ng Kongreso sa paghimay ng mga mahahalagang isasabatas, batay na rin sa mga alituntuning ipapatupad ng Kamara, partikular na rito ang taunang badyet ng gobyerno.

Papayagan din sa panukala na maghain ang mga lumalahok sa deliberasyon ng kanilang mga alternatibong panukalang batas na maaaring gamitin ng mga mambabatas sa halip ng kanilang napagkasunduan nang panukala.
Free Counters
Free Counters