Monday, January 06, 2020

Excise tax sa mga oil reserves, hiniling na pansamantalang suspendihin

Iminungkahi ni Deputy Speaker Mikee Romero sa pamahalaan na pansamantalang isuspinde muna ang excise tax sa mga oil reserves.
Ito ay bunsod na rin ng pinangangambahang pagganti ng Iran sa ginawang airstrike ng US sa Baghdad airport na ikinasawi ng Iran Top General Qassem Soleimani.
Paliwanag ni Romero, ito ay para maiwasan din ang posibleng pagtaas ng inflation dahil sa gulong inaasahan sa Gitnang Silangan at ng Estados Unidos.
Iminungkahi din ni Romero na kung kinakailangan ay maaari ring suspendihin muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba pang oil imports base sa temporary calibrations batay na rin sa tariff at taxation laws.
Inirekomenda rin ng kongresista sa Department of Energy (DOE) na atasan ang mga kumpanya ng langis na paabutin ng 30 araw ang kanilang fuel reserves.
Muli ring pinanawagan ni Romero sa Kongreso na aprubahan na ang kanyang panukalang batas sa pagkakaroon ng National Fuel Reserve ng bansa na magsisilbing insurance protection laban sa inflation dulot ng mataas na presyo ng langis sa world market.