Monday, September 02, 2019

Vargas: Pagpapaibayo ng ‘holistic approach’ ang layunin ng homework ban

Sinabi ni Quezon City Rep Alfred Vargas kahapon na ang kanyang panukala na magbabawal sa pagbibigay ng homework sa bawat weekend o tuwing Sabado at Linggo ay naglalayong ipagpapabayo ang isang “holistic approach” sa mga bata, mga pamilya at mga guro.
Batay sa HB03883 na inihain Vargas, layon nito na pagbawalan ang mga teacher sa elementarya at high school na magbigay sa kanilang mga estudyante ng homework para sa mga weekend.
Sinabi ng solon na nais niya ng holistic approach batay na rin sa sinabi Organization for Economic Co-operation and Development na luwagan ang mga weekend ng mga bata para ma-develop nila ang iba nilang mga talent sa labas ng paaralan at lalong mapalakas din ang kanilang family relations.
Ang tinukoy ng mambabatas na Organization for Economic Co-operation and Development ay isang intergovernmental economic organization na binubuo ng 36 na mga bansa.
Idinagdag pa ng solon na mabibigyan din umano ng oras ang mga teacher para makapagpahinga at mabawasan ang kanilang mga trabaho dahil sa mga paper works.
Iginiit pa niya na ang panukala ay hindi naman ganap na nagpo-promote ng isang no-homework policy sa buong linggo kundi sa Biyernes lamang ngunit mula Lunes hanggang Huwebes, makapag-bibigay pa rin ang mga teacher ng assignment.
Ayon pa kay Vargas, nagpahayag ng suporta ang Department of Education (DepEd) sa kanyang dahil makakamtan umano dito ang isang school-life balance sa mga mag-aaral.