Pormal na tinutulan ni House Committee on Appropriations Chair Isidro Ungab ang hakbang ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na bawiin ang 2020 budget bill sa plenary nitong nakaraang linggo.
Sa liham ni Ungab kay Villafuerte, sinabi nito na ang pagpapabawi sa budget bill ay makakabalam sa pagpasa ng Kamara sa 2020 proposed national budget bago matapos ang October 4 deadline.
Ipinunto ni Ungab na dahil din sa hakbang ay pagdududahan na ang budget proceedings at makukwestyon ang Mababang Kapulungan kung bakit binago ang proposed budget na hinanda ng Executive Department.
Matatandaang kinumpirma ni Villafuerte ang pagpapabawi nito sa General Appropriations Bill (GAB) nitong nakaraang linggo dahil "premature" umano ang proposal matapos ihain ni Ungab ang budget bill para sa first reading.
Bukod kay Villafuerte, pinadalhan din ni Ungab ng kopya ng kaniyang liham sina House Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Martin Romualdez, at Deputy Speaker Neptali Gonzales.