PRE-PLENARY NA PAGPUPULONG SA PANUKALANG P4.3-B BADYET NG MMDA, ISINAGAWA
Nagsagawa ng pre-plenary na pagpupulong ngayong Lunes ang Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co, tungkol sa 2023 panukalang badyet ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nagkakahalaga ng P4.382-bilyon.
Ito ay bilang paghahanda para sa deliberasyon sa plenaryo ng panukalang badyet ng ahensya, na nakatakda sa Miyerkules, ika-21 ng Setyembre 2022.
Mas mababa ang nasabing halaga ng humigit-kumulang P1.3-bilyon kaysa sa badyet ng MMDA na P5.6-bilyon para sa taong 2022.
Ang pre-plenary na pagpupulong ay pinangunahan ni Committee Senior Vice Chairperson at Markina City Rep. Stella Luz Quimbo. Sinabi ni Quimbo na ang one-on-one na sesyon sa mga mambabatas upang talakayin ang kanilang mga alalahanin sa MMDA ay magaganap matapos ang pagtatanghal ng badyet.
Matapos ang maikling pahayag ni MMDA Chairman Engr. Carlo Dimayuga III, nagbigay naman si MMDA Executive Director Michael Gison ng pangkalahatang-ideya na presentasyon, hinggil sa panukalang badyet ng MMDA.
Ayon sa kaniya, ang MMDA ay nagpanukala ng P8.4-bilyon badyet, ngunit P4.382-bilyon lamang ang naaprubahan sa ilalim ng National Expenditure Program para sa 2023.
“This would be a deduction of around P4 billion cut across all mandates of the MMDA. It is also worth noting that there were no allocations given for heath, sanitation, and urban migrating and renewal projects,” aniya.
Sa bawat paggasta, sinabi ni Gison na ang MMDA ay maglalaan ng P70-milyon para sa mga serbisyo ng tauhan, P2.6-bilyon para sa maintenance and other operating expenses (MOOE), at P1.6-bilyon para sa capital outlay (CO) sa 2023.
Nagtanong si Valenzuela City Rep. Eric Martinez kung ano ang magiging epekto ng mahigit P1-ilyong bawas sa badyet sa sektor ng MMDA Traffic Management. “Will it mean lesser personnel?,” aniya.
Ipinaliwanag naman ni MMDA Traffic Discipline Office Director Neomie Recio na P108-milyon ang ilalaan sa kanilang tanggapan sa 2023, kung saan ang P45-milyon ay mapupunta sa pasahod, kabilang ang para sa Job Orders.
Kaugnay nito, ang maaapektuhan ay ang pamamahala ng trapiko, aniya.
“Mga streetlights at footbridges ang mga proyekto po namin ang di nabigyan (ng pondo) para sa 2023,” ani Recio.
<< Home