Tuesday, March 27, 2012

Kakulangan ng estasyon ng bumbero at paggamit ng mga lumang fire trucks, dahilan ng sakuna sa sunog

Tinatayang aabot sa 645 na bayan sa buong bansa ang walang estasyon ng bumbero habang nasa 666 naman ang gumagamit ng lumang fire truck.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez, ito umano ang pangunahing dahilan kung bakit may 800 hanggang 900 na sunog ang naganap kada buwan batay sa ulat ng BFP o ang Bureau of Fire Protection.

Dahil dito, hiniling ni Rodriguez na imbestigahan ng House Committee of Public Order and Safety ang kakulangan ng istasyon ng bumbero sa 645 bayan at ang paggamit ng lumang mga trak.

Ayon pa kay Rodriguez, karaniwang may namamatay at nawawala ang gamit kapag nasunugan, pero ito ay maiiwasan daw kung kumpleto sa mga kagamitan ang ating mga bumbero at huwag na rin silang gumamit ng mga lumang kagamitan para hindi nalalagay sa sakuna ang kanilang buhay.

---

Pregnancy test muna bago maisagawa ang cosmetic surgery

Inaprubahan sa Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na mag-uutos ng pregnancy test para sa lahat ng babae na sasailalim sa cosmetic surgery.

Sinabi ni Caloocan City Rep Mitzi Cajayon na layunin umano ng kanyang panukala na maprotektahan ang kalusugan ng mga babae at mapigilan ang bata sa sinapupunan sa maaring masamang epekto ng cosmetic surgery.

Sa ilalim ng HB05751 na kanyang inanihain, bago magsagawa ng procedure ang lahat ng mga cosmetic surgery practitioner, dapat munang isailalim nila sa pregnancy test ang kanilang maging pasyenteng babaing na maaring nagdadang-tao, maliban sa mga babaing infertile o hindi na maaring manganak.

Ang unang parusang ipapataw ay ang mahigpit na pagpapangaral at pagtatala ng pangalan ng cosmetic surgery practitioner sa libro ng PRC o Professional Regulatory Commission at PMA o Philippine Medical Association.

Pagmumultahin ng hindi bababa sa P5,000 pero hindi tataas sa P10,00 ang parusa sa second offense at sa third offense, pagmumultahin ng hindi bababa sa P10,000 pero hindi tataas ng P20,000 at suspensyon ng lisensya sa pagtuloy ang kanyang propesyon ng 90 araw.

Isang taon naman titigil sa kanyang propesyon at suspensyon ng lisensya sa fourth offense at may multang hindi bababa sa P20,000 pero hindi naman tataas sa P30,000.

---

Monday, March 12, 2012

Mabigat na kaparusahan sa mga magnanakaw ng gamit ng gobyerno

Pumasa na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magpapataw ng mabigat na kaparusahan sa sinumang magnanakaw o likutin ang mga kagamitan ng pamahalaan na ginagamit na pang-monitor ng kalamidad at seismologic phenomena.

Batay sa panukala, ang HB05932 ni Agham partylist Rep Angelo Palmones, papatawan ng mabigat na parusa ang sinumang magnanakaw o makikialam sa gamit ng gobyerno sa risk reduction preparedness equipment at iba pang pasilidad.

Makukulong ng 12 hanggang 15 taon at pagmumultahin ng magmula P1 milyon hanggang P3 milyon doon sa mahuhuling nagbebenta o bumibili ng ninakaw na mga gamit at makukulong naman ng anim hanggang 10 taon at multang P500,000 hanggang P1 milyon na matagpuang may kasalanang nakialam sa mga kagamitan.

Sa ilalim ng panukala, magbibigay ng pabuya ng hindi bababa ng P10,000 ngunit hindi lalampas ng P50,000 ang sinumang magbibigay ng impormasyon para mahuli ang magnanakaw.

---

Saturday, March 10, 2012

Operasyon ng PNOC sa Limay, palalawigin

Hiniling ngayon ni Bataan Rep Bataan ang agarang aksiyon ng Kamara sa kanyang panukalang naglalayong payagan ang Philippine National Oil Company o PNOC na gamitin ang isang bahagi ng lupain sa Limay, Bataan upang palawakin ang operasyon ng nasabing kumpanya.

Ipinaliwanag Garcia sa kanyang panukala, ang HB05789, na makakatulong umano ng malaki ito upang maabot ang pag-unlad at paglawak ng ekonomiya at industriya ng bansa kung madaragdagan ang lupaing ginagamit ng PNOC sa Lamao, Limay, Bataan.

Layunin ng kanyang panukala na amiyendahan ang PD 949 na nagbigay kapangyarihan sa PNOC na pamahalaan at pangasiwaan ang bahagi ng lupain na matatagpuan sa Lamao, Limay, Bataan, na itinuturing na isang public domain, na inilaan para gawing industrial estate, partikular na para gamitin sa pagpapaunlad, operasyon at pamamahala ng isang petrochemical industrial zone.

Ayon pa kay Garcia kabilang sa ninanais ng PNOC na magamit ang bahagi ng lupain sa mga gawaing may kinalaman sa petrochemical at kahalintulad na gawain o industriya, at mga aktibidades na may kinalaman sa enerhiya at energy-allied activities at mga inprastraktura na gagamitin sa mga proyektong pang-enerhiya na makakatulong ng malaki sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Idinagdag pa ni Garcia mahalagang paigtingin, pataasin at patatagin daw ng pamahalaan ang economic at industrial development sa pamamagitan ng pagsulong ng mga proyektong may kinalaman sa enerhiya, mga proyektong pang-inprastrakturang kinakailangan sa enerhiya, at iba pang negosyo na maaaring makahikayat sa pribadong sektor na maglagak ng salapi bilang investment.

---

Thursday, March 08, 2012

Regulatory Office ng MWSS, bubuwagin na

Nanawagan ngayon ang mga kongresista sa Kamara para sa pagbuwag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System – Regulatory Office o ang MWSS-RO at isinulong ang pagtatatag ng sariling Water Regulatory Commission o WRC.

Sinabi ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro na matatandaan umanong mula ng ma-privitize ang MWSS at ang kanilang operasyon ay ibinigay sa dalawang nanalong mga concessionaire, nananatiling pag-aari pa rin ng MWSS ang fixed assets at isang regulatory office nito sa ilalim ng kanilang pamamahala para tutukan ang mga annual rate adjustment.

Naghain si Teodoro ng HB05790 na magbubuwag sa MWSS-RO.

Ayon sa kanya, ang singil umano sa tubig ng dalawang kasalukuyang water concessionaires ay nanatili hanggang ngayon na magmula pa noong 1997 bagamat walang kasanayan ang MWSS-RO na ipatupad ang mandato nito.

May mandato ang MWSS-RO na kuwentahin ang rate re-basing adjustments kada limang taon para payagan ang concessionaires na makaahon sa loob ng 25 taon na nakasaad sa kanilang kasunduan.

---

Pina-iimbestigahan na ang pag-aangkat ng galunggong sa Pinas

Nanawagan ngayon si House Minority Leader at Quezon Rep Danilo Suarez sa pamamagitan ng HR02113 sa Deaprtment of Agriculture o DA para sa imbestigasyon hinggil sa napabalitang mportasyon ng isdang galunggong sa bansa.

Sinabi ni Suarez na dahil sa pagbaba ng bilang ng huling isda sa bansa, dumagsa umano sa pamilihan ang imported na isda, partikular ang galunggong, dahilan para manawagan siya sa House Committee on Agriculture and Food na imbitahan ang mga opisyales ng DA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at lider ng mga grupong mangingisda.

Ayon kay Suarez, batay daw sa ulat ng BFAR, ang malaking bahagi ng suplay ng imported na galunggong ay galing sa China at Taiwan na umaabot sa 900,000 metrikong tonilada ang ini-importa ng Pilipinas mula sa dalawang nabanggit na bansa.

---

Wednesday, March 07, 2012

Transportation and safety board, lilikhain

Ipinanukala ngayon sa Kamara ang paglilikha ng National Transportation Safety Board o NTSB upang maitaguyod ang kaligtasan ng publiko mula sa nakaka-alarmang pagtaas bilang ng mga aksidente ng mga sasakyan sa bansa.

Sinabi ni Muntinlupa Rep Rodolfo Biazon na pangkaraniwang nagsasagawa ng kabi-kabilang imbestigasyon sa mga aksidente ang mga ahensiya ng pamahalaan ngunit maaaring sila rin ang nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin.

Sa kanyang bahagi naman, binanggit ni Davao Oriental Rep Nelson Dayanghirang ang nakaraang sakuna na nagpapatunay na may kakulangan sa pagresponde ang gobyerno para maiwasan ang ganitong disgrasya tulad ng nangyaring crash landing ng Laoag Airlines Fokker plane sa Manila Bay at 14-katao ang namatay.

Sa kasalukuyan, apat na panukalang batas ang inihain sa Kamara upang patatagin ang kaligtasan ng publiko sa sektor ng transportasyon: ang HB03276 na inihain ni San Juan Rep Joseph Victor Ejercito, HB00866 ni Rep Biazon, HB02463 ni Rep Dayanghirang at HB04000 ni Bohol Rep Erico Aumentado.

---

Palitan na ang batas pagmimina – Tañada

Angkop na batas, may ngipin, may sistema, sapat na regulasyon para gawing makabuluhan ang pagmimina at hindi mapanira bagkus may tunay na pakinabang ang taumbayan, ang kapiligiran, pati na rin ang pamahalaan sa pamamagitan ng bahagi na kita mula sa pagmimina

Ito ang binigyang diin ni Quezon Rep Lorenzo “Erin” Tañada III sa kanyang pahayag sa harap ng umiinit na debate hinggil sa kalakaran sa pagmimina sa bansa.

Sinabi ng mambabatas na dapat tutukan ang mga kalakaran sa pagmimina upang hindi tuluyang masira ang mga kanlungang tubig o watershed, biodiversity, at ang mga sakahan.

Dahil dito, naghain siya ng HB00206 na tatawaging Alternative Mining Act na may layuning magbabalanse sa pangangailangan ng kita o kabuhayan, at ekolohiya.

Ayon kay Tañada, ang kanyang panukala ay bunga ng konsultasyon ng mga komunidad na apektado sa pagmimina, kasama ang mga opisina at grupong pampamahalaan at pribadong sektor.

Idinagdag pa niya na tutuwirin nito ang mga gusot at kakulangan sa mga kasalukuyang regulasyon at kinikilalang karapatan ng apektadong mga komunidad na magdesisyon sa pagpapatuloy o pagtigil ng pagmimina sa kani-kanilang mga pook.

Bibigyan din ng mga insentibo ang mga nais mamuhunan sa mga paraan ng pagmimina na may pagsasaalang-alang sa balanse ng ekolohiya.

---

Monday, March 05, 2012

Nawawalang mga imported second-hand vehicle sa Subic Freeport storage, sisiyasatin

Umabot na sa 1,800 imported second-hand vehicles ang iniulat na nawawala sa storage area ng Subic Freeport buhat pa noong 2007, batay sa pag-uulat ng hepe ng BoC o Bureau of Customs sa Subic Freeport.

Sinabi ni Quezon City Rep Winston Castelo na kailangang siyasatin ng Kongreso ang pagkawala ng 1,800 behikulo para maalis ang mga agan-agam sa kasong vehicle smuggling at circumvention of Executive Order No. 156 na nagbabawal sa pagbebenta ng nasabing behikulo.

Ayon kay Castelo, malaking sagabal umano ang EO 156 sa mga importer at dealer ng imported used car dahil nahahadlangan sila para ibenta ang mga ito.

Kailangang umanong magpaliwanag ang mga tauhan ng Subic Freeport kung saan napunta ang mga imported vehicles at marapat lamang na maglabas ng opisyal na ulat sa inbentaryo ang nasabing warehouse para ma-account ang bawat isa sa mga behikulo.

Ipinarating na ng district collector ng BoC at SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority sa LTO o Land Transportation Office ang pagkawala ng mga behikulo.

Kasama daw sa nawawalang mga sasakyan ay mga luxury at imported vehicles na sakop ng WSD o warrants for seizure and detention orders na ang ibig sabihin ay dapat ibalik ang mga naturang behikulo sa special economic zones.

Nauna sa ulat ng BoC, binanggit ng LTO na ang 172 imported luxury cars na nawawala sa Freeport Zone, ay kabilang na dito ang Jaguar, Ferreri, Porsche, BMW, Mercedes-Benz, Land Rover at Chryler units.

Hihingi naman ng tulong si Customs Commissioner Ruffy Biazon sa PNP o Philippine National Police para mabawi ang 172 luxury cars mula sa Subic Freeport.

---
Free Counters
Free Counters