Tuesday, July 19, 2011

TOPS at COPS, paparangalan sa Malakanyang

Pinahayag kahapon ni Metrobank Foundation President Aniceto Sobrepena na dalawang opisyal sa sandatahang lakas at isang policewoman ang tatanghalin at paparangalan bilang TOPS o The Outstanding Philippine Soldiers at COPS o ang Country's Outstanding Police in Service para sa taong 2011 sa Malakanyang sa susunod na buwan matapos silang piliin ng Metrobank Foundation bilang mga di-pangkaraniwang mga militar at pulis.

Ang mga tatanghaling awardee ay sina Col Alexander Balutan ng Philippine Navy para sa commissioned award category at Col Alexis Tamondong ng Corps of Engineers para sa national development award category, kapwa mga taga 4th district ng Quezon City para sa TOPS award at ang nag-iisang awardee para sa COPS award naman ay si Senior Police Officer 2 Helen dela Cruz ng NCR Criminal and Investigation Group sa Camp Crame, Quezon City rin.

Sinabi ni Sobrepena na ang tatlong nabanggit na mga awardee ay nakasama sa pambansang elite roster ng mga oustanding soldiers at policemen na binigyan ng recognition ng Metrobank Foundation, Rotary Club of New Manila East, Rotary Club of Makati Metro at PSBank.

Ang bawat awardee ay makatatanggap ng tig-iisang trophy at cash prize na tigta-300 libong piso at na ang mga ito ay ia-award ni Pangulong Benigno PNoy Aquino III sa isang tradisyunal na awarding ceremony sa Malakanyang sa darating na August 26.

Dahil dito, pinapurihan ni Sobrepena si dating Quezon City Mayor at ngayon House Speaker Feliciano Belmonte at ang lahat na mga mamamayan ng lungsod Quezon para sa pagkakaroon nito ng tatlong mga mamamayang kahanga-hanga at sinabing marapat lamang na isang angkop na pagtatanghal din para sa mga awardee ay manggagaling at ibibigay din ng Kamara de Representantes.

Sina Muntinlupa City Rep Rodolfo Biazon at Pangasinan Rep Leopoldo Bataoil ay kabilang sa mga miyembro ng pinal na hurado sa pagpili kina Balutan, Tamondong at dela Cruz bilang mga outstanding awardee para sa taong 2011.

Thursday, July 14, 2011

Mahihirap na mga mamamayan, makikinabang sa PhilHealth

Tatlumpo't walong milyong mahihirap na Pilipino ang makatatanggap ng tulong medikal sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kapag tuluyang naisabatas ang panukalang naglalayung palawakin ang nasasakupan ng programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Sa inihaing HB04150 ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na sinuportahan ng karamihan sa mga mambabatas na tatawaging Pinoy Health Insurance Act of 2011, ipapamahagi ang health insurance identification (ID) cards sa mga benepisyaryo nito na magmumula sa 40% mahihirap na sektor ng lipunan.

Ang nabanggit na panukala ay nakatakda na ring pag-usapan sa Plenaryo sa pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo 25.

Sinabi ni Belmonte na layunin ng panukalang ito na masiguro na ang mga mabibigyan ng tulong
sa pamamagitan ng programantg ito ay tuluyang makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Ayon sa panukala, magbabayad pa rin ang makakatanggap ng tulong ng tinatawag na premium contributions ngunit mayroon itong katumbas na subsidiya mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH).

Ayon naman kay House Majority Leader Neptali Gonzales II, isa rin sa mga nagsusulong ng panukalang ito na ang tuluyang pagsasabatas ng HB04150 ay magiging daan upang mabuo at tuluyang maipatupad ang layunin ng pamahalaan na magkaroon ng universal health care sa pamamagitan ng pagpapatatag at pagpapalakas ng PhilHealth.

Sinang-ayunan naman ito ni Negros Occidental Rep Alfredo Marañon III, Chairman of the House Committee on Health, at sinabing panahon na umano upang mabigyan na rin ng pagkakataon ang mga vendor, nagtitinda sa palengke, trike driver, pedicab driver at mga pahinante at manggagawa sa konstruksiyon, na makinabang sa programang pangkalusugan ng pamahalaan.

Wednesday, July 06, 2011

Media reporting ng police at military operations sa crisis situation, ipagbabawal na

Tuluyan nang ipagbabawal ang media reporting ng mga police at military positions, movements at action sa loob ng crisis situations sa sandaling maging ganap na batas ang panukalang inihain ni Cebu Rep Gabriel Luis Quisumbing, ang HB02737.

Sinabi ni Quisumbing na ang live at blow-by-blow na pag-ulat sa kaganapan ng buong hostage-taking incident noong ika-23 ng Agosto ng nakaraang taon ay nasaksihan ng buong bansa at ng mundo na kahit ang mga posisyon, galaw at aksiyon ng mga enforcer ay nakikita ng buong madla kung kaya’t ang hostage-taker ay nakapaghanda ng maging kontra-aksiyon niya dahil napanood niya ang mga alagad ng batas sa television monitor sa loob ng sasakyan.

Bagamat sa mga nakaraang crisis situation, ayon pa Quisumbing, kagaya ng Abu Sayyaf, coup d’etat noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege, ay hiniling ng pamahalaan na ipagbawal ang pag-ulat ng sitwasyon sa pamamagitan ng news blackout para hindi ma-jeopardize ang operasyon ng mga pulis at military, ang right of information at freedom of the press ang siyang nangingibabaw pa rin sa isang demokrasya kagaya ng mayroon tayo sa ating bansa.

Ayon sa kanya, ang karapatang pagkakaroon ng access sa impormasyon at sa pamamahayag ay siyang mangingibabaw ngunit ito ay marapat umanong naaangkop din para sa kapakanan ng publiko at mga mamamayan nakararami at ang panukalang ito na marahil daw ang solusyon upang maiwasan pa ang ibayong panganib at banta sa mga buhay sa loob ng crisis situation at ang media coverage ay hindi dapat nakaka-obstruct o nakaksagabal sa police at military operations.

--

Pagkakaroon ng masteral degree sa PMA, ipinanukala

Iminungkahi sa Mababang Kapulungan na bigyan ng kapangyarihan ang PMA o Philippine Military Academy sa pamamagitan ng Academic Board nito na maggawad ng Masteral Degree sa mga opisyal ng AFP o Armed Forces of the Philippines na ganap makakakompleto ng aprubadong graduate course ng pagsasanay.

Sinabi nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao partylist Rep Maximo Rodriguez na ang kanilang panukala, ang HB01669, ay may layuning mapaangat at maipagpapaibayo ang kakayahan ng mga opisyal ng sandatahang lakas para makamtan ang isang people-oriented military service na minimithi.

Ayon sa mga mambabatas, marapat lamang umanong maipatupad ang isang masteral studies program Sa PMA sapagkat ito lamang daw ang susunod na importanteng hakbang upang maipagpapaibayo ang kakayahan ng buong AFP.

Idinagdag pa ng mga mambabatas mula sa Mindanao na bilang isang mahalagang bahagi ng national development, dapat lamang umanong mayroong tuloy-tuloy na pag-angat ng bawat opisyal sa kanilang sariling propesyon sa pamamagitan ng training at academic skills proficiency at ang naturang masteral program ang siyang tutugon sa pangangailangan para sa higher learning at pagsasanay sa mga batang opisyal na maging epektibong military managers.

--

Tuesday, July 05, 2011

Pondo para sa benepisyo ng mga beterano, segurado na.

Pumasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magmamando sa Bureau of Treasury na maglaan ng isang special account na manggagaling sa escheated at unclaimed na deposito galing sa general funds ng pamahalaan at gawing panggagalingan ng mga pambayad sa total administrative disability pension para sa mga senior veterans ng mga digmaan at mga kampanyang militar.

Layunin ng HB04359 na prinsipal inakda ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na makakalap ng pondo upang mabayaran ang mga nararapat para sa mga nabanggit na beterano na ang iba sa kanila ay mga nangamatay na at upang makatanggap na rin ang kanilang mga benepisyaryo ng benepisyong para sa kanila.

Sinabi ni Rodriguez na lumipas na lamang ang mahigit sampung taon matapos ipinasa ang RA06948 na nagpapaigting sa mga benepisyo para sa mga beterano ngunit marami pa rin sa kanila ang hindi man lamang nabayaran ang kanilang mga benepisyo makalipas ang ilang mga taon.

Ayon sa kanya, resposibilidad umano ng pamahalaan na magawaran ang bawat beterano ng lahat na nararapat na benepisyo para dito bilang pagtanaw ng utang na loob ng gobyerno sa mga beteranong nag-alay ng kanilang mga panahon at buhay makapanilbihan lamang sa bansa.

Inaasahang tatalakayin na ng Senado ang nabanggit na panukala at ipasa na rin nito para maging ganap na batas.
Free Counters
Free Counters