Hajji Handang tumugon si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers sakaling alukin ng administrasyong Marcos na pumalit bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government.
Ayon kay Barbers, maituturing na isang pribilehiyo ang tawagin ng pangulo ng bansa upang gawing katiwala ng isa sa mga ahensya ng gobyerno.
Sakaling imbitahan sa posisyon ay gagawin umano ni Barbers ang trabaho hindi para sa iisang tao kundi para sa bayan.
Gayunman, nilinaw ng kongresista na wala pa namang kumakausap sa kanya o nag-aalok na maging susunod na DILG Secretary bagama't may mga nagtatanong na sa kanya.
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay magiging isang karangalan aniya ang makapagserbisyo.
Mababatid na naging kalihim din noon ng DILG ang ama ni Congressman Ace na si dating Senador Robert "Bobby" Barbers sa ilalim ng administrasyong Ramos.
Ang nakababatang Barbers ay nakatakdang matapos ang termino sa Kongreso sa susunod na taon.